by Bhaby P. De Castro, PIA-Batangas with reports from Ronna Contreras-PIO Batangas City LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) --Iniulat ng City Heal...
by Bhaby P. De Castro, PIA-Batangas with reports from Ronna Contreras-PIO Batangas City
LUNGSOD NG BATANGAS (PIA) --Iniulat ng City Health Office (CHO) sa lungsod na ito na may naitalang 68 kaso ng dengue ang kanilang tanggapan sa buwan ng Agosto 2016.
Sinabi ni Jasmine Dimasacat, dengue program coordinator ng CHO, na ang dengue ay isang viral infection na maaaring makaapekto sa sanggol, bata at matanda. Mula sa kagat ng lamok na kilala sa tawag na Aedes Aegypti, ang lamok na ito ay nangangagat sa araw at karaniwang nangingitlog sa mga stagnant waters tulad ng lumang goma ng sasakyan, lata, plastic containers, flower vases at iba pang bagay na naiipunan ng tubig na walang takip.
Bunsod nito, nagsagawa ang CHO ng information education campaign (IEC) sa iba’t-ibang barangay sa lungsod upang maipaalam sa mga residente ang mga dapat malaman ukol dito.
Nagsagawa rin ng larval survae sa 100 kabahayan na sakop ng Brgy. Conde Itaas kahapon, Setyembre 19 dahil sa dami ng kaso ng dengue na naitala dito.
Nauna rito, nagsagawa ng “misting” noong buwan ng Hulyo sa mga paaralan at purok ng iba’t-ibang barangay upang masiguro na hindi magiging ganun kataas ang biktima ng dengue.
Ilan sa mga sintomas ng dengue fever ang biglaang pagtaas ng lagnat na tumatagal mula dalawa hanggang pitong araw, pananakit ng buto at kasu-kasuan, panghihina, pagsakit ng tiyan, pagdurugo ng ilong, pagsusuka at pagkakaroon ng mapupula at maliliit na rashes, mahirap na paghinga at maitim na dumi.
“Kapag may mga ganitong sintomas, dapat ay painumin ng sapat na dami ng tubig, huwag bibigyan ng aspirin ang pasyente at kung maaari ay dalhin kaagad sa ospital upang maaagapan ang pagbaba ng platelet dahil delikado ito para sa pasyente,” sabi ni Dimasacat.
Patuloy naman ang Department of Health sa kanilang kampanya na four o’clock habit kung saan pagsapit ng alas kuatro ng hapon ay sisimulan ang paglilinis ng kapaligiran lalo na ang mga maaaring pagpugaran ng mga lamok upang maiwasan ang dengue.
No comments