by BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with reports from Batangas city PIO LUNGSOD NG BATANGAS, Set 13 (PIA) –Nangunguna ang road accidents ...
by BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with reports from Batangas city PIO
LUNGSOD NG BATANGAS, Set 13 (PIA) –Nangunguna ang road accidents sa mga emergency cases sa lungsod base sa iniulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa kanilang multi-stakeholders dialogue and risk and vulnerability assessment kamakailan.
Sinabi ni Rodrigo dela Roca, pinuno ng CDRRMC na sa unang dalawang quarter pa lamang ng taon, may 12 vehicular accidents na ang kanilang narespondehan.
Dahil dito, binigyang pansin ni Konsehal Armando Lazarte ang pangangailangan na malagyan ng street lights ang kahabaan ng diversion road na karaniwang nangyayari ang mga aksidente dahil sa madilim ang lugar at kakulangan ng signage.
Iniulat naman ni Engr. Francisco Beredo, hepe ng Transportation and Development Regulatory Office (TDRO) ang kanilang mga ginawang hakbang upang maiwasan ang mga aksidente sa diversion road. Kasama ang pagbabawal sa mga trak na pumaparada sa kahabaan ng diversion road sa pamamamagitan ng no contact apprehension policy. Sa ilalim ng polisiyang ito, kahit wala ang driver, iniisyuhan ng tiket ito at malalaman na lamang ng driver ang kanyang violation kapag nag-renew reshistro ng sasakyan sa sa Land Transportation Office (LTO).
Inatasan din ang Zoning Division at Business Permit and Licensing Office (BPLO) na alamin kung ang mga establismiyento sa bahagi ng diversion road ay may permit at may sariling parking sapagkat kung wala ay maaaring ipasara o irevoke ang permit ng mga ito.
Binanggit pa ni Beredo ang kanilang plano na bumili ng speed radar gun upang mahuli ang mga nag-ooverspeeding sa naturang kalsada. Base sa traffic ordinance ng lungsod, may speed limit na 80 kph para sa mga jeepney at private vehicles habang 50 kph naman mga malalaking trak.
Iniulat din ni Beredo ang pagpapatupad ng one-way mula sa Basilica papuntang Pallocan kapag alas-4 hanggang alas-6 ng hapon upang maibsan ang trapiko lalo na at oras ito ng labasan ng mga estudyante at nagtatrabaho sa mga opisina at tanggapan ng pamahalaan.
Samantala, iniulat ng CDRRMC ang ilan sa kanilang mga accomplishments tulad ng daily monitoring ng early warning system, pagsasanay at orientation ukol sa kalamidad, earthquake and fire drills, trimming ng mga punong kahoy na maaaring maging sanhi ng aksidente, pagtatanim ng bakawan sa bahagi ng Calumpang riverside, clearing at declogging ng mga kanal at iba pang waterways, at rehabilitasyon o pagpapagawa ng mga DRRM-related infrastructure tulad ng drainage sa Perlas compound, Kumintang Ilaya at iba pa.
No comments