QUEZON CITY - Upang tuluyang maiangat ang pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan ay nakatakdang magsagawa ng renobasyon ang Technical Educat...
QUEZON CITY - Upang tuluyang maiangat ang pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan ay nakatakdang magsagawa ng renobasyon ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kanilang mga kagamitan sa mahigit sa 100 training centers sa buong bansa.
Ito ang naging direktiba ni TESDA Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa ginanap na National Directorate Conference (NDC) noong November 7 at 8 na isinagawa sa TESDA Women’s Center (TWC) na nagsabi pa na kinakailangang magsumite ng kaukulang ulat ang mga regional directors sa mga kailangan ng kanilang training centers upang mapaglaan ng sapat na pondo.
Ayon pa kay Mamondiong, magsasagawa din sila ng “dialogue” sa mga stakeholders upang hikayatin ang mga ito para sa pagpapasya sa posibleng pagdaragdag ng mga bagong kagamitan at pagsasaayos ng mga training centers sa buong bansa.
Napag-usapan din sa dalawang araw na okasyon ang tungkol sa Technical Vocational Education and Training (TVET) kung paano ito mabibigyan ng sapat na atensiyon upang higit pang mapaganda ang pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Binigyan diin naman ni TESDA Deputy Director General for Policies and Planning Rosanna Urdaneta ang kahalagahan ng National Technical Education and Skills Development Plan at ang pakikipagtulungan sa mga institusyon upang magkaroon ng pantay na batayan tungkol sa Philippine Qualification Framework.
Sinabi naman ni Deputy Director General Rebecca Calzado ang kahalagan ng pagkakaroon ng koneksiyon sa mga stakeholders at industry upang magkaroon ng katuparan ang implementasyon ng Dual Training and Apprenticeship Program. Pinag-usapan din sa ginanap na okasyon ang scholarship program para sa Training for Work Scholarship Program (TWSP), resulta ng Skills Mapping Survey, technical audit at ang mga posibleng programa para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW). (TESDA)
No comments