Governor Hermilando Mandanas (Photo from Twitter ) by Bhaby P. De Castro LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)- Nakaagapay ang Pamahalaang Panlala...
Governor Hermilando Mandanas (Photo from Twitter) |
LUNGSOD NG BATANGAS (PIA)- Nakaagapay ang Pamahalaang Panlalawigan sa lahat ng programa ng Batangas Police Provincial Office (BPPO). Ito ang pahayag ni Governor Hermilando Mandanas sa isinagawang News Year's Call ng BPPO noong Enero 11 sa Camp Miguel Malvar sa lungsod na ito.
“Nang unang sabihin sa akin na magsasagawa ng kortesiya sa akin ang ating mga kapulisan, sinabi ko na ang gusto ko ay ako ang pupunta sa kanilang kampo upang makita ko ang sitwasyon dito at malaman ang mga pangangailangan pa nila. Ang pamahalaang panlalawigan ay buong suportang nakaagapay sa ating mga pulis sa pagtupad nila ng tungkulin,” ito ang bungad pananalita ni Governor mandanas.
Aniya pa, natutuwa siya sa patuloy na pagsusumikap ng kapulisan na gampanan ang kanilang tungkulin at maisaaayos ang lalawigan habang maigting ang ginagawang kampanya sa kriminalidad at paglaban sa ipinagbabawal na gamot.
Hiniling pa ni Mandanas sa PNP na panatilihin ang paggalang sa karapatang pantao at magsagawa ng malalim na imbestigasyon upang maging makatarungan ang kanilang mga hakbang.
Dumalo sa nabanggit na kortesiya ang lahat ng opisyal ng BPPO gayundin ang mga hepe ng kapulisan sa lahat ng bayan at lungsod sa buong lalawigan.
Ipinakita rin dito ang estado ng peace and order sa lalawigan sa pamamagitan ng isang quad briefing.
Isa sa binibigyang pansin ng mga kapulisan ang paglaban sa pagkalat ng ipinagbabawal na droga kung saan sa kasalukuyan ay may limang bayan na sa lalawigan ang naideklarang drug cleared ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4A kabilang ang San Luis na siyang kauna-unahang bayan sa buong bansa na naideklarang drug cleared kasama ng Alitagtag, Balete, San Nicolas at Taal.
Ayon kay Provincial Director PSSupt Leopoldo Cabanag, ang iba pang mga bayan sa lahat ng distrito ng lalawigan ay nasa proseso din upang susunod ng maideklarang drug cleared.
Sa buong taon ng 2016 ay umabot naman sa 918 ang naaresto kung saan 146 dito ay kabilang sa mga top ten most wanted sa iba’t-ibang lugar.
Sa huli ay ipinahayag ni Mandanas na kabilang na sa bibigyang prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagbibigay ng scholarship sa mga anak ng mga kapulisan na nag-aaral sa kolehiyo at mariin ding pinag-aaralan ang pagbilang sa mga ito bilang benepisaryo ng housing project ng lalawigan. (GG/BHABY P. De CASTRO-PIA BATANGAS)
- See more at: http://news.pia.gov.ph/article/view/631484902055/pamahalaang-panlalawigan-nakaagapay-sa-mga-programa-ng-pnp#sthash.5Kam227l.dpuf
No comments