By Lolitz L. Estrellado June 3, 2017 Municipal Mayor Ramon A. Preza Tiaong, Quezon - Ang masipag, at magaling na punong bayan n...
June 3, 2017
Municipal Mayor Ramon A. Preza
Tiaong, Quezon - Ang masipag, at magaling na punong bayan ng Tiaong, Hon. Mayor Ramon A. Preza, ay nakatutok sa pagpapaunlad ng kanyang nasasakupan at sa pagbibigay ng mga pangunahing paglilingkod ng pamahalaang lokal.Ayon mismo sa mga taga Tiaong, masuwerte sila sapagkat si Mayor Preza ay itinuturing nilang “the epitome” ng isang matino at magaling na leader na tinukoy noon ng dating kalihim ng DILG na si Jessie Robredo.
Nitong nakalipas na Mayo 19, 2017 ay isinagawa ang pamamahagi ng educational cash assistance sa farm ni Mayor Preza.
Ayon sa kanya, mahalaga ang edukasyon ng mga kabataan upang magkaroon sila ng maayos na buhay sa kinabukasan kaya naman tuloy-tuloy ang kanyang programa para makatulong.
Noon namang Mayo 13, ginanap ang paglulungsad ng Masa Masid Program at Orientation ng Masa Masid Team sa pamumuno pa rin ng kagalang-galang na Ama ng Tiaong, sa pakikipagtulungan ng pangulo ng Liga ng mga Barangay (LNB) na si Milandro Landicho, Tiaong Municipal Police Station at Quezon Provincial Police Office.
Simula ng maupo bilang punong bayan, tuloy-tuloy na isinasagawa ni Mayor Preza ang mga programa at proyektong nakasaad sa kanyang executive agenda na nagbibigay ng katuparan sa kanyang pangarap na “Bagong Tiaong”.
Ang programang pang-kabuhayan, pang-edukasyon, pangkalinisan ng kapaligiran, pangkalusugan. pangkapayapaan at kaayusan ng bayan, pang-imprastraktura at iba pa na ipinatutupad ng Preza administration ay suportado ng iba pang opisyal ng bayan, bise alkalde at mga konsehal ng bayan, mga kapitan ng barangay at ng mismong mga mamamayan na siyang nakikinabang sa naturang mga programa.
Isang kapitan ng barangay na hindi na nagpabanggit ng pangalan ang nagsabi,”Sa tinagal-tagal po ng nakalipas na panahon, nang maupo si Mayor Preza saka lamang kami nagkaroon ng bago, maganda at modernong gusali ng pamahalaang bayan.”
Binanggit din ni Kapitan na nagkaroon sila ng mga farm-to-market roads, mga bagong eskuwelahan, at may mga pumasok na investors o mamumuhunan; nagkaroon ng kilalang Mall sa Tiaong, ang City Mall; at ang kanilang sektor na agrikultura ay lubos na pinauunlad sa buhos na suporta ni Mayor Preza.
Buo rin ang suporta sa kapulisan kaya naman tahimik at maayos ang bayan, at mga isolated cases lamang ang ilang naganap na kaguluhan, na hindi naman mismong taga-Tiaong ang may kagagawan kundi mga dayo na taga ibang lugar.
“Kaya kami naman po sa LNB, at mga tao mismo, nagpapasalamat kami kay Mayor Preza at lubos ang aming pakikiisa at suporta sa kanyang administrasyon ngayon at sa mga susunod pang mga taon,” pahayag pa ni Kapitan.
No comments