Press Conference with the officers of Quezon Metropolitan Water District (QMWD), October 2, 2017. LUNGSOD LUCENA, Quezon -- Isinusulon...
Press Conference with the officers of Quezon Metropolitan Water District (QMWD), October 2, 2017. |
LUNGSOD LUCENA, Quezon -- Isinusulong ngayon ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD) ang ‘joint venture agreement’ sa Prime Water upang matugunan ang mga pangangailangan sa pagsasasayos ng mga pasilidad ng QMWD na siyang tutulong upang mabigyan ng sapat na supaly na tubig ang mga concessionaire sa Lungsod ng Lucena at Tayabas gayundin sa bayan ng Pagbilao.
Ito ang inihayag ni Atty. Vicente Joyas, chairman of the board ng QMWD sa idinaos na press conference sa lungsod na ito kamakailan.
Nilinaw ni Atty. Joyas, na hindi ibinebenta ang QMWD at hindi rin ipa-privatize ito taliwas sa mga naglalabasang mga balita sa social media at iba pa.
“Hindi sapat ang pondo ng QMWD para maging 24/7 ang serbisyo sa mga concessionaires,” sabi pa ni Joyas.
Sinabi pa ni Atty. Joyas na mangangailangan ang QMWD ng isang bilyong piso upang maisaayos lahat ang mga pasilidad ng QMWD kagaya ng pagpapalit ng mga malalaking tubo ng tubig at pagdaragdag at pagsasaayos ng mga water sources.
Bago pa maisakatuparan ang joint venture agreement, may mga guidelines rin aniya ang National Economic Development Authority (NEDA) na dapat sundin ang QMWD bukod pa sa approval ng Local Water Utilities Administration (LWUA).
“Wala ring tatanggaling empleyado ng QMWD sa pagsusulong ng ‘joint venture agreement,” dagdag pa ng opisyal.
Samantala, hiniling din ni Atty. Joyas sa mga concessionaire ng QMWD na magbigay ng suhestiyon para sa mas ikagaganda ng serbisyo ng QMWD. (GG/Ruel Orinday/ PIA-Quezon)
No comments