LUNGSOD NG LUCENA, Quezon -- “To address malnutrition takes a special kind of leadership. Because it is at the very core of human develo...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon -- “To address malnutrition takes a special kind of leadership. Because it is at the very core of human development that we need to establish a proper foundation. We really need to invest in human development and nutrition is key to this.”
Ito ang pahayag ni Gob. David C. Suarez sa kanyang mensahe ng pasasalamat sa kagawaran ng National Nutrition Council. Ito ay matapos parangalan ang lalawigan ng Quezon ng Green Banner Award bilang 2016 Most Outstanding Province para sa CALABARZON region na ginanap sa I’M Hotel, Makati City nitong ika-4 ng Disyembre.
Ayon kay Gob. Suarez, isang malaking karangalan ang mabigyan ng ganitong uri ng pagkilala mula sa kagawaran ng nutrisyon. Aniya, sa loob ng walong taong panunugkulan bilang gobernador, ang suliranin sa malnutrisyon ang isa sa mga pangunahing problema na kanyang kinaharap. Dahil dito, pinagdesisyonan niya na isa ito sa mga pangunahing tutukan ng kanyang administrasyon.
Batid ng gobernador ang malaking hamon sa tuluyang pagsugpo sa malnutrisyon sa kanyang lalawigan. Subalit, naniniwala siya na kapag naipakikita sa kanyang mga mamamayan ang sinseridad, dedikasyon at katapatan sa anumang tungkulin sa tulong ng mga ipinatutupad niyang programa ay mabibigyang sagot rin ang suliraning ito.
Isa sa mga programang ipinatutupad sa lalawigan ng Quezon upang tugunan ang malnutrisyon ay ang programang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K. Nakatutok ang nasabing programa sa pagbibigay ng pangangailangan ng isang ina at sanggol sa loob ng isang libong araw, mula sa unang araw ng pagbubuntis hanggang sa ikalawang taong gulang ng sanggol. Sa tulong ng programang Q1K, ang malnutrition level ng lalawigan ng Quezon ay tuluyang bumaba mula 17% noong taong 2012 hanggang 9% sa taong kasalukuyan.
Ang CALABARZON region ay ikalawa sa malalaking contributors ng Gross Domestic Product o GDP sa bansa. Dahil dito, nais ng gobernador na mas bigyang pansin pa ng rehiyon ang human development upang patuloy na maisulong ang kaunlaran at mas mapaganda pa ang antas ng pamumuhay ng mga mamamayan dito.
Nagbigay-pugay rin si Gob. Suarez sa iba pang munisipalidad at lalawigan na kinilala sa nasabing kaganapan. Aniya, nawa ay magsilbing daan ang pagkilalang nakamit ng bawat bayan upang magkaroon ng kanya-kanyang pag-unawa ang lahat sa pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran. (Quezon-PIO)
No comments