LUNGSOD NG LUCENA, Quezon -- Matagumpay na isinagawa nitong ika-29 ng Nobyembre sa Quezon Convention Center ang pagdiriwang ng Provincia...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon -- Matagumpay na isinagawa nitong ika-29 ng Nobyembre sa Quezon Convention Center ang pagdiriwang ng Provincial Children’s Month sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office at sa suporta ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez.
Nakiisa sa pagdiriwang ang mga kabataan mula sa iba’t-ibang munisipalidad kasama ang ang kanilang mga municipal social welfare development officers. Sa temang “Bata, Iligtas sa Droga”, layunin ng selebrasyon na bigyang kamalayan ang mga magulang ng mga kabataan ukol sa mga negatibong gawain na mayroon sa komunidad at kung paano ito higit na nakaaapekto sa pag-iisip ng mga bata.
Ayon kay PSWDO Department Head, Sonia Leyson, ang nasabing araw na ito ay nakalaan para bigyang pagpapahalaga ang mga kabataan sa lalawigan. Nagpasalamat rin siya sa lahat ng mga dumalong munisipalidad para sa kanilang aktibong pakikiisa sa nasabing kaganapan.
Samantala, ipinahayag naman ni Chief of Staff, Webster Letargo ang kahalagahan ng pagbibigay importansiya sa mga kabataan sa lalawigan. Aniya, maraming nakalatag na programa at proyekto ang pamahalaang panlalawigan na nakatutok sa kaunlaran ng mga kabataan. Tulad na lamang ng programang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K. Bukod dito, ay nariyan din ang mga scholarship programs na nakalaan upang magbigay suporta sa kanilang pag-aaral hanggang sa kanilang paghahanap-buhay sa hinaharap.
“Patuloy po ang suporta at pagmamahal ni Gob. Suarez at ng pamahalaang panlalawigan hindi lamang sa mga pinaglilingkuran niya, ngunit pati sa mga susunod na henerasyon. Naniniwala po ang gobernador na ang kabataan ang tunay na kayamanan ng lalawigan.” pahayag ni Letargo.
Ang administrasyong Suarez ay naniniwala sa human development investment. Batid ng gobernador na sa pamamagitan ng mga programang ipinatutupad sa ilalim ng kanyang pamamahala, masisiguro ng pamahalaang panlalawigan ang progresibong kaunlaran ng mga mamamayan nito. (Quezon-PIO)
No comments