Gob. David C. Suarez Lungsod ng Lucena, Quezon -- Muling pinatunayan ng lalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Gob. David C. Suarez ang t...
Gob. David C. Suarez |
Isa ang Quezon sa mga probinsya na binigyang parangal matapos nitong makapasa sa lahat ng mga upgraded criteria ng DILG para sa SGLG ng taong 2017. Bukod sa lalawigan ay pumasa rin sa assessment ang pitong munisipalidad mula sa lalawigan ng Quezon; ang Gumaca, Mauban, Mulanay, Pagbilao, Panukulan, San Antonio at Unisan.
Ang 2017 Seal of Good Local Governance ay nakasentro sa pagkilala sa katapatan at kahusayan ng pamahalang lokal. Nasasaklaw sa parangal na ito ang 81 na lalawigan, 145 na lungsod at 1,489 na munisipalidad mula sa bansa na sumailalim sa masusing pagsusuri ng DILG committee simula Marso hanggang Setyembre 2017.
Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular 2017-53, ang 2017 SGLG ay sumusunod sa “4+1 principle”, kung saan kinakailangang taglayin ng mga nominadong local government units ang apat na core areas ng SGLG: ang Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection at Peace and Order. Para sa +1 o essential area, kailangang makapasa ang LGU sa alin man sa isa sa mga susunod na kategorya: Business-Friendliness and Competitiveness, Environmental Protection and Tourism, Culture and Arts.
Sa pamamagitan ng pagkilalang ito, maraming oportunidad ang mabubukasan para sa patuloy na kaunlaran ng lalawigan. Kabilang na dito ang pagkakaroon ng access sa Performance Challenge Fund, issuance of Good Financial Housekeeping Certification upang mangasiwa sa bank loan approval, at iba pang mga programa na napapaloob sa ilang mga alituntunin.
Hangarin ng DILG na patuloy pang pagtibayin ng lalawigan ang natatangi nitong serbisyo at paninindigan upang makapagbigay sa mga mamamayan ng isang gobyernong may malasakit tungo sa pagbabago at patuloy na pag-unlad.
Ang lalawigan ng Quezon ay unti-unti nang gumagawa ng pangalan hindi lamang sa turismo at agrikultura, ngunit pati na rin sa iba pang mga taglay nitong programa na ipinagkakaloob sa mga mamamayan nito.
Isa na rito ay ang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K na umaani ng papuri at pagkilala hindi lamang sa Pilipinas ngunit pati na rin sa mga karatig pang bansa sa Asya. Nakatutok ang nasabing programa sa pagbibigay ng suporta sa mga ina at sanggol mula sa unang araw ng pagbubuntis hanggang sa maka-dalawang taon ang sanggol.
Ang SGLG award ay ilan lamang sa mga pagkilalang nakamit at patuloy pang ipinagkakaloob sa lalawigan ng Quezon sa ilalim ng administrasyong Suarez.
Naniniwala si Gob. Suarez na sa tulong ng mga programang kanyang ipinatutupad, magkakaroon ng mas matibay na pag-asa ang mga susunod na henerasyon sa hinaharap alinsunod sa kanyang Next 3, Best 3 Years ng panunungkulan. (Quezon-PIO)
No comments