Lungsod ng Lucena, Quezon -- Dinaluhan ng higit 130 na magsasaka ang isinagawang Guyabano Growers Summit 2017 para sa skills training on...
Lungsod ng Lucena, Quezon -- Dinaluhan ng higit 130 na magsasaka ang isinagawang Guyabano Growers Summit 2017 para sa skills training on guyabano production and management nitong ika-23 ng Nobyembre sa Quezon Herbal Pavilion, Old Zigzag sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Atimonan, Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon.
Layunin ng nasabing pagtitipon na mapalawig ang produksyon at maging one town one product ng bayan ng Atimonan ang Guyabano. Ayon sa datos ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor (OMA) mahigit 52,020 guyabano seedlings ang naipamahagi at naitanim ng mga magsasaka sa mahigit 80 hectares ng lupa sa Atimonan na ipinagkaloob naman ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor.
Ipinahayag ni OPA Marketing Specialist, Ariel Mañalac ang taos-pusong pasasalamat ng pamahalaang panlalawigan sa mga nakiisang magsasaka sa pagtitipon upang magkaroon pa ng mas malawak na kaalaman ukol sa wastong pag-aalaga ng guyabano at kung paano ito makatutulong sa kanilang kabuhayan.
Para naman kay Mayor Ticoy Mendoza, mayroong dalawang yaman na dapat pangalagaan sa kanilang bayan upang makamit ang tagumpay, ang human resources at natural resources. Aniya, ang ganitong uri ng programa ay isang malaking hamon sa hinaharap, ngunit ang ganitong uri ng proyekto ay isang pagkakataon umano upang umpisahan at ipakita ang pagiging isang magandang halimbawa na sisimulan para sa susunod na henerasyon.
“Ang lahat ng ito ay isang paglalakbay. Magsikap lamang tayo at maipapasa natin ito sa mga susunod pang henerasyon upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan.” pagtatapos ni Mayor Mendoza.
Isa sa mga pangunahing hangarin ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez ay ang mas mapagtibay pa ang sektor ng agrikultura sa lalawigan. naniniwala ang gobernador na sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng programa, mas mapaparamdam pa ng pamahalaang panlalawigan ang pagmamalasakit at pagpapahalaga nito sa mga magasasakang Quezonian. (Quezon-PIO)
No comments