Photo courtesy of Quezon Provincial Police Office by Nimfa L. Estrellado LUNGSOD NG LUCENA, Quezon -- Isang grupo ng mga mangingisd...
Photo courtesy of Quezon Provincial Police Office |
by Nimfa L. Estrellado
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon -- Isang grupo ng mga mangingisda mula sa lalawigan ng Quezon ang nakakita at nakakuha sa isang selyadong plastic container na naglalaman ng 28 kilo ng cocaine na nagkakahalaga sa P200 milyong piso na palutang lutang sa may Lamon Bay sa karagatang sakop ng Perez, Quezon at Camarines Sur, noong Linggo ng gabi, ayon sa Quezon Police.
Ayon kay Konsehal Leonardo Reyes, presidente ng asosasyon ng mga punong barangay sa bayan ng Perez, Quezon, na apat na mangingisda ang nakadiskubre ng 28 sealed packs, na tumitimbang ng isang kilo bawat isa, nang siyasatin nila ang lalagyan na kanilang nakuha habang nangingisda sa Pacific Ocean ay tumambad sa kanila ang 28 pakete ng powdered substance. Agad iniulat ng mga mangingisda ang insidente sa mga lokal na opisyal na agad namang nakipag-ugnayan sa pulisya.
Ayon sa mga awtoridad, lumabas sa ginawang pagsusuri ng crime laboratory ng Quezon Police Provincial Office noong Lunes na kompirmadong cocaine ang nakuha ng mga mangingisda at dito’y nakumpirma ng pulisya na isa itong uri ng “high-grade cocaine. Tinataya ng pulisya na ang mga pakete ng cocaine ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P162 milyon.
Kasalukuyang nakalagak sa himipilang ng Quezon Police ang mga nakuhang droga at nakatakdang ibigay ang mga ito sa crime laboratory ng Camp Crame.
Ayon pa sa pulisya, posibleng kasama ito ng mga cocaine na una ng nasamsam sa mga karagatan ng Sorsogon at Samar na hinihinalang itinapon sa nasabing karagatan ng sindikato ng droga.
Pinasalamatan ni Senior Supt. Rhoderick Armamento, Quezon police director ang mga mangingisda na nag turn over ng nakuhang droga.
“Libu-libong buhay ang masisira kung ang plastic container na iyon ay napasakamay sa masasamang tao,” sabi ni Armamento.
Sinabi ni Police Chief Inspector Marcelito Platino, tagapagsalita ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) na inatasan ng pulisya ang mga opisyal ng mga bayan sa baybayin ng karagatan na higpitan ang pagmo-monitor sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga iligal na droga. Umaapela rin ang pamunuan ng QPPO sa mga mamamayan partikular sa mga mangingisda sa Perez, Quezon na maging mapag-matyag at agad ipagbigay alam sa himpilan ng pulisya ang mga kahina-hinalang makikita sa lugar.
Samantala nakipag-ugnayan na ngayon ang mga awtoridad sa lalawigan ng Quezon sa iba’t ibang coastal areas maging sa Philippine Coast Guard (PCG) para mahanap ang umano’y isa pang container na naglalaman ng mga cocaine na namataang nagpapalutang-lutang sa karagatang sakop ng nasabing lalawigan.
No comments