LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon -- “Dedikasyon at determinasyon, susi sa pinapangarap na Edukasyon,” iyan ang pinatunayan ng isang mag-aara...
LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon -- “Dedikasyon at determinasyon, susi sa pinapangarap na Edukasyon,” iyan ang pinatunayan ng isang mag-aaral na si Rogelio F. Oliala na kilala bilang “Tito Roger”,”Tatay Roger” o “Lolo Roger”
Si Lolo Roger, 77, ay nagnais na maipagpatuloy ang naudlot na pangarap na makapagtapos sa ilalim ng programa ng Alternative Learning System sa Dibisyon ng Lungsod ng Tayabas. Sa kaniyang pagsisikap, isa siya sa mga pinalad na nakapasa sa nakaraang A&E examination na ginanap noong ika-18 ng Nobyembre 2017. Natanggap niya ang kanyang sertipiko ngayong taon noong May 4.
Sino ba si Tito Roger bilang mag-aaral? “Ah, Si Tito o Lolo Roger ay yung pinakamagaling naming kamag-aral. Sobrang galing po nya.” “Mabait po at tinutulungan kami pag hindi namin alam yung pinag-aaralan.” Ganyan siya ilarawan ng kanyang mga kasama sa Learning Center sa tuwing may nagtatanong tungkol sa kaniya. Mapagbiro sa klase ngunit hindi sa pag-aaral. Bukas siya sa mga bagong impormasyon na hindi pa niya natutunan. Magalang siya sa guro at kapwa mag-aaral, handang magbahagi ng kanyang mga nalalaman lalo na sa kasaysayan, at higit sa lahat bakas sa kanya ang dedikasyon na makatapos. Sa kaniya’y hindi alintana ang edad upang makuha ang ninanais sa buhay. Si Tito Roger ay nagsilbi ring katuwang ng guro sa pagdidisiplina ng mga mas nakababatang mag-aaral sa Learning Center. Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa kaniyang magandang katangian na naging dahilan kung bakit siya ay hinahangaan at nagsilbing huwaran.
Sa kaniyang edad, marahil maraming nagtatanong kung saan pa ba niya magagamit ang sertipikong natanggap. Ayon sa kaniya, noon pa ma’y nais na niyang makatapos at maging isang guro ngunit dahil sa hirap ng buhay napilitan siyang huminto at maghanapbuhay. Noong una, sinubukan niyang magpatuloy sa pamamagitan ng pagsabay ng pagtatrabaho at pag-aaral sa Maynila. Nakatungtong siya ng sekondarya sa San Juan De Letran sa Intramuros sapagkat ang kaniyang amo ay isang propesor sa nasabing eskwelahan ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, sumakabilang buhay ang kaniyang ina kung kaya’t kailangan niyang bumalik sa Quezon. Sa pagbalik niya sa Quezon, napagkasunduan niya at ng mga nakatatandang kapatid na sila ay magtulungan upang makatapos. Ang mga nakatatandang kapatid na muna ang mag-aaral at pag nakatapos, siya naman ang susunod.
Habang nag-aaral ang mga kapatid ay napasok naman siya sa training sa army. Doon niya natutunan ang pagkukutingting ng mga sasakyan at pagmamaneho nito. Ang kaniyang natutunan ay ginamit niya sa paghahanapbuhay hanggang nawili, nakapag-asawa at tuluyan nang nahinto sa pag-aaral. Noon akala niya ay hindi na niya matutupad ang kaniyang ninanais na makapagtapos hanggang sa dumating ang oportunidad sa pamamagitan ng Alternative Learning System. Ayon sa kaniya, kapag siya ay may sinimulan ay nais niyang tapusin kung mabibigyan ng pagkakataon kaya naman agad siyang nagpatala sa nasabing programa.
Hindi man niya natupad ang pangarap na maging guro, natupad naman niya ang magkaroon ng sertipiko na maisasabit niya sa dingding katabi ng mga sertipiko ng kaniyang mga anak. Ayon sa kaniya sinikap nilang mag-asawa na mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang limang anak. Sa limang anak niya ay may isang guro at isang CPA na upang kahit papaano ay mas maging maalwan ang buhay kaysa sa naranasan nila noon.
Para sa kaniya, ang edukasyon ay napakahalaga upang mabago ang buhay na inaasam. Dagdag pa niya, ang mga natutunan niya ay magagamit niya sa pang-araw araw na buhay lalo sa kaniyang paglilingkod sa Barangay. Payo niya sa mga susunod na mag-aaral ng ALS, hangga’t may pagkakataon na makapag-aral huwag nang palampasin at simulan ang naisin sa buhay. Saksi ang apat na sulok ng Barangay Hall sa ginawa niyang pagsusumikap upang makamit ang inaasam na pangarap. Lubos siyang ikinararangal ng ALS Tayabas. (Vanessa De Guzman, Tayabas City ALS Facilitator)
No comments