Kapitan Edwin Napule Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at maipaalam ang kanilang mga dapat na gagawin kung sakaling dumat...
Kapitan Edwin Napule |
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan at maipaalam ang kanilang mga dapat na gagawin kung sakaling dumating ang kalamidad o sakuna sa barangay, maaga pa lamang ay pinag-iigting na ng sangguniang barangay ng Marketview ang kanilang kahandaan sa ganitong insidente.
Sa naging panayam ng TV12 kay Kapitan Edwin Napule kamakailan, inilahad nito ang mga preparasyon at paghahandang kanilang isinasagawa para sa nasabing usapin.
Ayon kay Napule, ang pinakang bantang sakuna sa Barangay Marketview ay ang pagkakaroon ng sunog kung kaya’t tuloy tuloy ang kanilang pagsasagawa ng mga aktibidades na naglalayong ipaalam at ituro sa mga mamamayan ang mga kahandaang dapat isagawa kung sakali mang dumating ang ganitong insidente.
Bagamat sunog ang pangunahing pangambang sakuna sa barangay, hindi naman ito dahilan para ipagwalang bahala nila ang iba pang mga kalamidad dahilan na din sa mahigit sa tatlong daang kabahayan dito ang nakatira sa low lying area ng barangay.
Dagdag pa nito, ayon aniya sa isang pag-aaral, ika-anim sa mga barangay sa lungsod na may high risk o mataas na pangambang pagbaha ay ang barangay marketview.
Sa kasalukuyan, mayroon naman ang barangay na mga early warning systems para sa mga bagyo na darating at mga nakabadyang pagbaha sa lugar.
Makikita din sa kanilang opisina ang ilang mga disaster and rescue equipment na maaaring magamit sa panahon ng sakuna.
Gayundin ay may mga tao ang barangay sa bawat purok at sitio na nagbibigay ng warning o babala sa mga mamamayan sa komunidad para sa mga posibilidad na kalamidad.
Tulong tulong naman ang lahat ng mamamayan dito lalo’t higit ang mga purok volunteers na bagamat walang naipagkakaloob na honorarium ang sangguniang barangay, ay buong puso pa din silang nagmamalasakit sa bawat isa sa ganitong usapin ng paghahanda.
Ang kauna-unahan aniya nilang ipinapabatid sa mga ito ay ang pagiging una nila sa pagmamalasakit sa kanilang mga ka-barangay katulong ang sanggunian,
Sa huli, inaasahan naman ang pananatiling ligtas at Malaya sa anumang trahedya at panganib ng barangay at kung may mga dumating man na kalamidad ay nakahanda silang lahat. (PIO-Lucena/M.A.Minor)
No comments