Konsehal Rey Oliver “Boyet” S. Alejandrino LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Umapela si Konsehal Rey Oliver “Boyet” S. Alejandrino sa Konseh...
Konsehal Rey Oliver “Boyet” S. Alejandrino |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Umapela si Konsehal Rey Oliver “Boyet” S. Alejandrino sa Konseho ng Sangguniang Panlungsod na ipaubaya na sa lokal na awtoridad ang mga bagay na may kaugnayan sa pagdedesiplina sa mga tambay na lumalabag sa lokal na ordinansa dahil ang nasabing problema ay kaya umanong lutasin ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa mga balitang nasyonal, simula nang magbigay ng panibagong direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga tambay bilang parte ng kampanya nito kontra kriminalidad, mahigit sa walong-libong mga tambay na ang hinuli ng mga kapulisan sa kamaynilaan na nagresulta na rin ng pagkamatay ng isang lalaki habang nasa kustodiya ng mga ito.
Mga taong hinuli ng awtoridad nang dahil sa paglabag sa mga lokal na ordinansa gaya ng pag-iinom sa kalye, paninigarilyo at hindi pagsusuot ng pangitaas na damit sa mga publikong lugar, bagay na ayaw mangyari ng konsehal sa mga mamamayan ng tahimik na syudad ng lucena.
Kaugnya nito, sa paggampan ng pulisya ng kanilang tungkulin na magpanatili ng kapayapaan at katahimikan sa isang lugar, malawak ang kapangyarihang taglay ng mga ito ngunit ang lahat ng ito ay may limitasyon at iyon ay ang mga karapatang pantao ng bawat isang indibidwal na maaari nilang masagasaan.
Kaugnay nito, maraming mga grupo at personalidad ang nagdidiin na wala nang umiiral na batas na nagpapatibay sa pag-aresto ng mga tambay simula nang tuluyan na itong inalis noong taong 2012 sa pamamagitan ng pagpapatupad ng republic act 10158 kung saan tuluyan nang inalis ang vagrancy o paggala bilang isang uri ng krimen.
Bagaman alam ni Alejandrino na wala nang umiiral na batas kaugnay sa paggala ay may mga ordinansa ang bawat lungsod at bayan na istriktong ipinapatupad ngunit para sa konsehal, nalalabag ang karapatang pantao ng mga ito kung kaya’t nangangailangan ang implementasyon nito ng maliwanag na panuntunan.
Kung kaya’t iminungkahi nito sa konseho na dalhin na lamang sa barangay hall at isulit sa mga kapitan ang mga tambay at hindi kinakailangang ikulong nang higit sa oras na itinakda ng batas.
Umapela si Alejandrino sa mga kawani ng pulisya na imbis na manghuli ng tambay na walang ginagawang krimen ay pagtuuunan na lamang ng pansin ang direktiba ng pangulo na hulihin ang mga nalabag sa batas at mga ordinansa at mga taong tunay na matatawag na kriminal.
Kaugnay ng usaping idinulog ni Alejandrino sa Sangguniang Panlungsod, inaasahang sa susunod na regular na sesyon ay pauunlakan ng hepe ng Lucena PNP na si P/Supt. Romulo Albacea at Direktor ng DILG na si Danilo Nobleza ang imbitasyon ng konsehal na dumalo para sa information hour. (Pio Lucena/C.Zapanta)
No comments