Gob. David C. Suarez Higit 6,000 na mga mangingisda at magsasaka mula sa iba’t-ibang panig ng lalawigan ang nagsama-sama para sa ta...
Gob. David C. Suarez |
Kaalinsabay sa pagdiriwang ng Niyogyugan Festival 2018, isinagawa ang pagtitipon ng mga magsasaka upang bigyang pasasalamat ang kanilang mga sakripisyo at pagpupursigi upang mas mapaunlad pa ang pagsasaka sa lalawigan.
Ayon kay Gob. David C. Suarez, malaki ang ambag na ibinigay ng mga mangingisda at magsasaka sa lalawigan sa tagumpay na nakakamit ng Niyogyugan Festival mula sa bansa.
“Ang yaman ng Niyogyugan ay mula sa mga hirap, sakripisyo ng mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan. Hindi po namin magagawa ito kung hindi dahil sa pagiging inspirasyon ninyo. Ang yaman ng Niyogyugan ay yaman nating mga taga-Quezon.” pahayag ni Gob. Suarez.
Ipinahatid naman ng panauhing tagapagsalita na si Sen. Cynthia Villar ang kanyang papuri sa selebrasyong ito na nakalaan para sa mga magsasaka. Ayon sa kanya, isa itong magandang hakbangin ng pamahalaang panlalawigan upang bigyang parangal ang mga tao sa likod ng tagumpay ng agrikultura ng Quezon.
“Quezon is basically an agricultural province. The major sources of income in the entire province are farming and fishing. Natutuwa ako na sa festival ninyo ay bida ang ating mga mahal na magsasaka at mangingisda. Kaya tuloy-tuloy lang ang bayanihan para sa tagumpay nating lahat at sa pag-unlad ng ating siyudad, probinsya at buong bansa.” pahayag ni Sen. Villar.
Bilang kasalukuyang chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food, layunin ng senador na mas mapaunlad pa ang kundisyon at masolusyonan ang mga problema ng mga magsasaka sa bansa.
Samantala, ibinida naman ni Gob. Suarez ang ilan sa mga karangalan na ipinagkaloob sa Lalawigan ng Quezon tulad ng Consistent Regional Outstanding Winner in Nutrition o CROWN Award mula sa National Nutrition Council nitong nakaraang buwan. Ang nasabing parangal ay ipinagkakaloob sa isang local government unit matapos nitong makamit ang Green Banner Award sa loob ng tatlong taon.
Nagbigay-ulat rin si Gob. Suarez ukol sa mga proyektong imprastraktura na isasagawa at kasalukuyang isinasagawa sa iba’t-ibang bahagi ng Quezon. Kabilang dito ay ang Infanta Convention Center, Tayabas Sports Complex, Tiaong Convention Center, Gumaca Convention Center, Southern Luzon State University Full Campus at ang kauna-unahang Coconut and Research Development Center na kapwa matatagpuan sa bayan ng Catanauan. (Quezon – PIO)
No comments