PPLB President Ireneo “Boyong” Boongaling at ang mga Barangay Officials na dumalo sa BNEO for GREAT sa Infanta, Quezon. by Ace...
PPLB President Ireneo “Boyong” Boongaling at ang mga Barangay Officials na dumalo sa BNEO for GREAT sa Infanta, Quezon. |
by Ace C. Fernandez, Lyndon B. Gonzales @laligapilipinas
Infanta, Quezon – Nagsisimula ng ipakita ng bagong halal na Pangulo ng Pederasyong Panlalawigan ng Liga ng mga Barangay o ang PPLB na si Ex-Officio Board Member Hon. Ireneo “Boyong C. Boongaling ang lideradong may responsibilidad, sipag at malasakit sa mga pagdalo niya sa halos labing limang BNEO o Barangay Newly Elected Officials Seminar for Grassroots, Responsible, Accountable and Transparent Barangay na isang basic requirement ng Department of Interior and Local Government – DILG sa mga bagong halal na opisyal ng barangay kasama ang barangay treasurer at barangay secretary.
Sa mensahe ni Board Member Boyong Boongaling sa BNEO ng mga Barangay Chairman, SK Chairman at mga kagawad sa bayan ng Infanta, Quezon noong nakaraang September 11, 2018 ay ipinaliwanag niya ang ilang dahilan kung bakit kailangang puntahan ang bawat BNEO Seminar sa buong lalawigan. Aniya “kailangan ko pong bumaba sa lahat ng BNEO dahil sa logo po natin ay nakalagay doon ang PPLB, DILG at ang Municipality, kaya may partnership po tayo. Ang kailangan na lang po natin ay MOA – Memorandum of Agreement, at tingin po ay dapat na talagang magkaroon ng MOA na ang lahat ng EX-OFFICIO Member at PPLB President ay bumaba sa BNEO upang makilala ng lahat ng Barangay Chairman at opisyal ng liga ng mga barangay.”
Sa pagpapatuloy ay sinabi ni Bokal Boongaling na “tayo po ay 2,242 barangays sa lalawigan kung saan 1,909 lamang po ang hawak ng inyong lingkod dahil yong pong 33 barangays ay pinamumunuan naman po ni ABC Boy Jaca ng lungsod ng Lucena. Kaya po sa inyong lahat, sa ganitong pagkakataon ay huwag kayong tutulog, wag po kayong aantukin. Bigyan niyo ng pagkakataon ang inyong sarili na makinig sa mga lectures ng ating mga speakers ng DILG lalo na po iyong mga bagong halal sapagkat marami kayong matutunan sa BNEO.”
Ayon kay BM Boongaling minsan diumano ay hindi maiiwasan ang di pagkakaintindihan ng barangay opisyals at pabiro pang sinabi na minsan umano ay “panggigil na si kagawad at kapitan ganun din si treasurer dahil may pinagtatalunan, ‘yon pala ay magka-cash advance lang pala naman, di po ba? At higit po sa lahat, sa mga datihan ng opisyal ng barangay, sa dating halal na mga kapitan at mga kagawad ay baka nalilimutan ninyo na ang ilang mahahalagang bagay sa pamamahala at maaaring kayo ay may inilalabag sa mga probisyon ng Local Government Code; kaya mabuti na yong muli nating mapag-aralan ang mga alituntunin ng pamamahala sa barangay. Katunayan po ay kulang ang (3) araw sa BNEO seminar subalit ang MLGO – DILG ay ginagawa ang lahat upang madali nating malaman ang mga tungkulin, kaparaanan at mga limitasyon ng kapangyarihan ng mga opisyal sa barangay.”
Ibinalita rin ni BM Boyong Boongaling sa mga dumalo ang ilan sa mga susunod niyang activity at sinabi na “ako po ay pupunta sa Regional Meeting ng Anti-Drug Abuse Council sa ilalim po ng DILG at PDEA kung saan ay kasama ko si DILG Regional Director Manuel Gotis at kung anuman po ang aking matutunan doon ay aking ipapaabot sa inyong lahat matapos na kami ay makapag – meeting sa PPLB at sa ABC ng bawat bayan naman po ang magsasabi sa inyo.” Nilinaw din ni Boongaling ang paraan ng kanyang pamumuna sa liga at sinabing “alam niyo po naiiba po ang panunungkulan ko sa PPLB ay makukuha ako ng (21) dalawamput at isang ABC president ang aking katunggali ay sinuportahan ng (19) labing siyam na ABC president, ngayon po(40) apatnapu na kami sa buong lalawigan. Ang ginagawa kop o ay kinausap ko sila at sinabi ko na wala ng paksyon – paksyon, tayo ay magkaisa, magtrabaho na tayo at simulan na nating paglingkuran ang mga mamamayan sa barangay.” Siniguro din ni BM Boyong Boongaling na hands-on ang gagawin niyang pamumuno at sinabing, “kung meron mang problema sa PPLB na dinatnan ko ay atin pong aayusin ito at tayo ay magsasama-sama upang maipakita natin na tayo ay nagkakasundo upang maibalik ang magandang serbisyong inaasahan sa ating lahat ng taong bayan. Nais ko rin pong ipaabot sa inyo na ang liga sa kasalukuyan ay nagkakaisa na upang maitaguyod ang mga programa ng PPLB sa buong lalawigan.” Nagpa-alala rin si Boongaling sa mga dumalo na baka umano may mga kapitan at kagawad na hindi dumadalo sa sesyon ay may nilalabag umano ang mga ito. “Kung kayo ay magkakatunggali sa politika, ‘wag niyong idamay ang pagkahalal niyo” dagdag pa ng bokal. Aniya, kailangang gawin umano ng bawat isa kung ano ang duty dahil noong panahon ng kampanya ay (15) labing limang araw lamang ang ibinigay ng Comelec sa kanila subalit pag tayo ay nahalal ay (3) tatlong taon umano silang mangangampanya sa barangay. Ngunit binigyang diin ni Bokal Boyong na “maliit man o malaki ang sitio ng barangay, may kinakain man o wala ang mamamayan, ngayon po ay matalino na sila kaya pagbutihin natin ang serbisyo sa kanila; kaya naman sa mga kapitan, sa mga kagawad , kapag wala kayong ginawa ay ‘wag na kayong umasa na mananalo pa kayo sa sunod” ang sabi pa ni BM Boongaling.
Samantala, ipinaalala rin ng PPLB President na pagdating sa proyekto “ay kailangan po na ilalatag ang proyekto para magawa ito ng balanse. I-balance nyo ang komitiba ng health, komitiba ng Infra, peace and order, i-balance niyo ito at pagalawin lahat ng inyong komitiba, hindi iyong nakapapagawa lamang si kapitan ng barangay hall ay ayos na ito, panalo na tayo sa sunod; nagpapanuntukan na naman sa kabilang sitio, di po ba? Kung sa isang sitio ay nabigyan ng solusyon ang suntukan, sa isang sitio naman ay maraming nagkakasakit, so, i-balance niyo lang po” ang winika ni BM Boongaling. “Sa darating na November ay may budget hearing na tayo, balansehin po natin ang budget at iyong mga pondo na hindi nagagamit ay gamitin niyo na ito, kung saan kailangan. Kailangang magkaisa ang mga kagawad at kapitan sa paglatag ng programa at kaukulang budget para dun” ani ni Bokal Boyong.
May panawagan naman itong si PPLB President Boyong Boongaling sa mga SK Members na pagbutihin ang kanilang serbisyo at programa. “Ipakita niyo sa mamamayan na kayo ang makabagong leader na hinahanap ng ating bayan. Labanan niyo ang kurapsyon at pagmalasakitan ang ating kalikasan. Makipag ugnayan kayo sa mga kagawad na Chairman ng mga komitibang tutugon sa inyong mga proyekto tulad ng committee on sports, health, education at committees on appropriation upang sila ang mag-sponsor ng lehistraturang ipapasa ng konseho na base sa inyong proyekto at pangangailangan.” Sa huli ay sinabi ni PPLB at Board Member Ireneo “Boyong” Boongaling na wala na po muna tayong politikahan, ang atin pong mga principal ay nasunod na natin at napagbigyan. Ngayon po na tayo ay nahalal na ay pantay-pantay na tayo at wala tayong gagawin kung di paglingkuran ang mga mamamayan sa barangay; at kung may problema po kayo sa inyong barangay ay pumunta po kayo sa aking tanggapan.
No comments