by Ruel M. Orinday PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - May 21 ‘Negosyo Center” na ang naitayo ng panlalawigang tanggapan ng Department ...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - May 21 ‘Negosyo Center” na ang naitayo ng panlalawigang tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa lalawigan ng Quezon na patuloy na tumutulong sa mga negosyante at mga taong nagbabalak pang magtayo ng negosyo.
Sa programang “Balikatan Unlimited with PIA” sa DWLC- Radyo Pilipinas Lucena, sinabi ni Jenny Ilagan, Trade and Industry Development Specialist ng DTI-Quezon na ang pagtatayo ng negosyo center sa mga bayan sa lalawigan ng Quezon ay bahagi ng “Business Development Program” ng kanilang tanggapan upang matulungan ang mga maliliit na negosyante at mga taong nais magtayo ng negosyo sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.
“Tutulong din ang ‘negosyo center’ sa pagpapatala ng negosyo at magtuturo rin ng tamang pamamaraan ng pagsisimula at pagpapatakbo ng negosyo” hindi lang sa mga maliliit na negosyante kundi gayundin sa mga taong nagbabalak magtayo ng kanilang negosyo, sabi pa ni Ilagan.
Samantala, sa ilalim ng “Business Development Program”, ang DTI-Quezon ay nagpapatupad din ng programang tinatawag na “Kapatid Mentor Me” kung saan tinuturuan ng mga malalaking negosyante ang mga maliliit na negosyante kung paano pauunlarin ang kanilang negosyo.
“May 10 sessions sa loob ng isang linggo ang pagtuturo kung saan ituturo din dito ang pagggawa ng business improvement plan”, sabi pa ni Ilagan.
Sakop din ng business development program ng DTI ang pagpapaunlad ng mga pangunahing produkto ng mga bayan sa lalawigan ng Quezon na tinatawag na ‘OTOP’ o One Town One Product sa pamamagitan ng pagtuturo ng tamang pamamaraan ng paggawa o ‘good manufacturing’, packaging at ‘ food safety’ ng isang produkto.
“Maaaring magsadya o tumawag sa aming tanggapan ang mga negosyante upang matulungan sa pagpapaunlad ng kanilang negosyo”, sabi pa ni Ilagan.
Target din ng DTI-Quezon na magkaroon ang iba pang bayan sa Quezon ng ‘negosyo center’. Ang 21 negosyo center sa lalawigan ay naitayo sa pakikiisa ng mga municipal mayor.