by Ruel M. Orinday, PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Ouezon - Nanawagan si PCSupt. Edward Carranza, PNP Region4A Director sa mga mayor o local...
LUNGSOD NG LUCENA, Ouezon - Nanawagan si PCSupt. Edward Carranza, PNP Region4A Director sa mga mayor o local chief executive sa lalawigan ng Quezon at iba pang lalawigan sa CALABARZON na makipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) sa kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para gamitin sa mga rehabilitation program ng mga drug surrenderees.
Sinabi ni Director Carranza sa programang “Kapihan sa PIA” sa Pacific Mall, Lucena City kamakailan na walang sapat na pondo ang PNP sa rehabilitation program subalit ginagawa naman nila ang kanilang mga tungkulin at mga programa kontra droga.
“Ang Technical Education and Skills Training Authority (TESDA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may mga programa ring ipinatutupad kagaya ng pagsasagawa ng mga skills training o gawaing pangkabuhayan para sa mga drug surrenderees subalit kailangan din ang tulong ng mga mayor o local chief executives para sa tuluyang pagbabagong buhay ng mga drug surrenderees,” sabi pa ng opisyal.
Ipinahayag din ng opisyal na katuwang nila sa maigting na kampanya kontra drogra ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagpapatupad ng rehabilitation programs para sa mga drug surrenderees at kailangan pa rin aniya ang tulong ng mga local chief executives.
Samantala, sinabi rin ni Carranza na may iba pang mga programa ang PNP bukod sa kampanya kontra droga kagaya ng ‘Project Blue Box’ kung saan pwedeng mag-ulat ang isang indibidwal ng krimen na nangyayari sa kanilang lugar; ‘Oplan Bandila;’ at iba pang mga programa kontra krimen.
No comments