Bilang pakikiisa at pagsuporta sa deaf community, isinusulong ni Konsehal Sunshine Abcede-Llaga sa sangguniang panlungsod, ang isang resolus...
Nasa ilalim ng naturang resolusyon ang pagkondena sa mga mapangutya at mapanirang-puring Gawain ng mga tao sa mga PWDs.
Bahagi rin ng naturang resolusyon ang pagsuporta ng lungsod sa idineklara ng United Nations kamakailan na ang ika-dalawampu’t tatlo ng buwan ng Setyembre ay ang magiging simula ng taunang pagdiriwang ng International Day of Sign Languages.
Sa isang pahayag ni Llaga, sinabi nito na lubos siyang sumusuporta sa mga deaf advocates kasama ang mga nasa deaf community sa paghatol at paglaban sa tinatawag na ridicules at vilification actions lalo’t higit sa mga viral videos sa internet na tila ginagawang katuwaan ang paggamit ng isang indibidwal na may speech and hearing impairments ng sign language.
Kaugnay din ito sa Section 2 (e) ng Republic Act 7277 o mas kilala bilang Magna Carta for Disabled Persons na nagsasaad na ang bawat estado ay nararapat at kinakailangang alisin ang lahat ng mga balakid upang makapamuhay ng maayos ang mga PWDs sa komunidad at mahasa ang kani-kanilang panlipunan, pang-kultura at pang-ekonimiyang karapatan.
Gayundin ang Republic Act 9422 o mas kilala bilang Magna Carta for Disabled Persons, and for other Purposes na naglalaman ng pagbabawal sa mga mapangutyang salita at aksyon laban sa mga natatanging sektor na maaaring makapagpababa ng kanilang kumpiyansa sa sarili.
Matatandaang si Llaga ang pangunahing may-akda ng City Ordinance No. 2683 o ang “2018 Persons with Disability (PWD) Code of Lucena City” na naglalayon na ang lungsod ay makapagsagawa at makapagpatupad ng agaran, epektibo at naaangkop na mga hakbang upang maitaguyod ang kamalayan sa mga karapatan, kakayahan at mga kontribusyon ng mga taong may kapansanan, at lumikha ng isang kapaligiran ng walang diskriminasyon para sa mga natatanging sektor. (PIO-Lucena/ M.A. Minor)
No comments