Sa bawat paghakbang, isang kabataan ang posibleng matulungan. Ito kung isalarawan ang idinaos kamakailan na One Nation Walks for Education...
Ito kung isalarawan ang idinaos kamakailan na One Nation Walks for Education sa lungsod ng Lucena.
Ang naturang global walk ay bahagi ng taunang fund raising activity ng Couples for Christ na Answering the cry of the Poor o ANCOP program.
Kasabay ng layunin ng nasabing samahan na siyang nag organisa sa naturang aktibidad, na matulungan pa ang mga kapus-palad sa pamamagitan ng pinansyal na ayuda partikular na sa aspeto ng edukasyon, ay sama-samang naglakad ang mga mamamayan.
Tinatayang mahigit sa tatlong daang Lucenahin naman ang nakiisa sa aktibidad.
Nauna rito, nagdaos ng isang misa bilang pasasalamat sa pagsasakatuparan ng programa gayundin ay para sa patuloy na pagkakaroon ng bukas na kaisipan at butihing puso ng bawat isa para mas makatulong pa.
Nagbahagi rin ng kanyang karanasan at nagpasalamat si John Maeco Bautista, Isa sa mga scholars ng samahan.
Ang Global Walk ay isinagawa rin sa ilang bayan at probinsya sa Pilipinas gayundin -sa ilang key cities sa United States, Canada, Europe, Australia, Asia at Middle East.
Bukod sa educational sponsorship, isa rin sa ipinagkakaloob ng CFC Ancop ay ang community development programa para sa mga mahihirap.
Sa huli, inaasahan ang mas marami pang mga mamamayan na magiging katuwang ng CFC para sa mas marami pang mga kabataang matutulungan. (PIO-Lucena/M.A.Minor)