“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng mga naitulong ninyo para samga Lucenahin lalo na sa usapin ng pabahay, maraming maraming sal...
Ito ang naging lubos na pasasalamat ni Mayor Roderick “Dondon”Alcala sa pamunuan ng Housing and Urban Development Coordinating Council lalo’t higit sa pangulo nito na si Secretary Eduardo del Rosario dahilan sa mga pagtulong nito sa usapin ng pabahay sa lungsod.
Inihayag ni Mayor Alcala ang taus pusong pasasalamat na ito sa ginanap na forum ng ng HUDCC at mga key shelter agencies nito hinggil sa kanilang mga ginagawang mga programang pabahay sa iba’t-ibang parte ng bansa.
Ayon kay Mayor Dondon Alcala, isa sa mga programa ng pamahalaang panlungsod na natulungan ng nasabing tanggapan ay ang pagtatayo ng DonVictor Ville na kung saan ay lubos na pinakikinabangan ngayon ng ilang mga Lucenahin lalo na ang mga nasa sector ng transportasyon.
Aniya, binubuo ng limang ektaryang lupain ang nasabing proyekto na kung saan mahigit sa 500 pamilya ang maaring makinabang dito at bukod pa rin dito ang karagdagang lima pang ektaryang lupain na ang makikinabang naman dito ay mahigit sa 600 mga pamilyang Lucenahin na sa kabuuuan ay mahigit sa 1100 pamilya ang maaring makinabang dito.
Bukod kay HUDCC President Sec. del Rosario, lubos ring pinasalamatan ng alkalde ang pangulo ng Social Housing Finance Corporation na si Atty. Arnolfo Ricardo Cabling dahilan sa pagbibigay nito ng pagkakataon sa city government of Lucena na makapagbigay ng endorsement upang maisaayos ang lahat ng mga papeles at mabili ng ilang mga benipisyaryo ng pabahay ang lupain sa murang halaga lamang..
Dagdag pa rin ng punong lungsod, tatlong asosasyon ng homeowners sa lungsod ang nabigyan ng ganitong pagkakataon na kung saan bumaba ang halaga ng kanilang bayarang lupa ng halos 50 porsyento lamang.
At dahil dito, labis ang naging pasasalamat ng pamahalaang panlungsod lalo’t higit ni Mayor Dondon Alcala sa mga nasabing pangulo dahilan sa patuloy na pagtulong nito sa kanila pagdating sa mga proyektong pabahay para sa mga mamamayang Lucenhin. (PIO Lucena/ R. Lim)