Sa pagnanais na makatulong sa kanilang mga kabarangay, isang programa na hindi lamang maging malinis ang kanilang lugar kundi mapakain pa an...
Ang programang nabanggit ay ang tinatawag na “Trash to Bigas” na kung saan ay inilunsad ito sa inisyatiba ni SK Chairman Rolden Garcia.
Ayon kay SK Chairman Garcia, ang naturang proyekto ay parte ng kampanya ng Sangguniang Kabataan sa Brgy. Ibabang Dupay sa Solid Waste Management.
Layon rin ng nasbing programa na bawasan ang mga plastic at basura sa kanilang barangay upang maging malinis ito.
Ipinaliwanag rin ni Garcia kung paano makakakuha ng bigas ang kaniyang mga kabarangay kapalit ng mga plastic at aniya kinakailangan lamang na gupitin ng hindi masyadong pino ang mga plastic na ito at ilagay sa 1.5 plastic bottles at ang bawat limang piraso ng 1.5 liters na nagupit na ito ay papalitan nila ng 2 kilong bigas.
Dagdag pa ng SK Chairman, angmga boteng malilikom ng kanilang samahan sa proyektong ito ay gagawin nilang eco-bricks na maari nilang gamitin sa mga programa na pagpapaganda ng kanilang lugar.
Ilan sa mga maaring paggamitan aniya nila ng mga eco-bricks na ito ay ang paglalagay sa mga nagsasagawa ng backyard gardening sa kanilang barangay.
Mariing sinabi rin ni SK Chairman Rolden Garcia na ang programang ito ay tanging para lamang sa mga lehiimong residente ng Brgy. Ibabang Dupay.
Pinasasalamatan naman ni Garcia ang kanilang kapitan na si Chairman Jacinto “Boy” Jaca sa patuloy na pagsuporta nito sa lahat ng mga programa at proyekto ng Sangguniang Kabataan sa kanilang lugar.
Samantala, nanawagan rin si SK Chairman Rolden Garcia sa lahat ng kaniyang mga kabarangay na makiisa sa kanilang programang nabanggit upang hindi lamang aniya makatutulong angmga ito sa kalikasan kundi magkakaroon pa sila ng kanilang kakainin. (PIO Lucena/ R. Lim)