by Ruel Orinday-PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Patuloy ang ginagawang kampanya ngayon ng Bango Sentral ng Pilipinas (BSP)- san...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Patuloy ang ginagawang kampanya ngayon ng Bango Sentral ng Pilipinas (BSP)- sangay ng Lungsod ng Lucena ukol sa pagkakaroon ng malinis na salapi na dapat isinusukli sa anumang uri ng transaksiyon at hindi yaong marumi at sirang mga salapi.
Sa programang “Balikatan Unlimited with PIA” sa DWLC-Radyo Pilipinas-Lucena noong Nobyembre 29, 2018, sinabi ni Melanie Condes ng Bangko Sentral ng Pilipinas- (BSP)- Lucena City, maaaring iulat ang sinumang tao na nagdudumi o nagsisira ng mga perang papel upang mapatawan ng kaparusahan.
Sinabi ni Condes na dapat kaagad na dalhin sa alinmang bangko ang mga maruming salaping papel kagaya ng pagkakaroon ng bahid ng dumi, pagkalupaypay, lukot, may sulat, may mantsa at kupas na ang pagkakaimprenta upang mapalitan ng bago.
Samantala, ayon pa sa Bangko Sentral ng Pilipinas, lahat ng kailangang matira sa sira-sirang salaping papel upang ito ay mapalitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay ang mga sumusunod: 3/5 na bahagi ng surface area; bahagi ng alinmang facsimile signature at may naka-embed o windowed security thread.
Samantala, pinaigting din ng BSP-Lucena City ang kanilang kampanya laban sa mga taong gumagawa at naglalabas ng mga pekeng perang papel ngayong panahon ng kapaskuhan.
“Ang mga salaping papel na tunay ay may mga security features na dapat tandaan ng mga mamimili upang hind imaging biktima ng panloloko”, sabi pa ni Condes.
Para sa iba pang karagdagang impormasyo, maaaring tumawag sa CP No. 09955813881 o kaya ay sa (042)- 710-3264.