Pinangunahan ni Quezon Governor David C. Suarez kasama si ALONA Partylist Representative Anna Villaraza-Suarez at ilan pang kawani ng lokal ...
Higit 1,800 na job vacancies ang inihatid ng Provincial Employment Services Office sa bayan ng Candelaria kung saan ibinahagi ni Gob. Suarez na isa sa mga nagsisilbing ugat ng ilan sa mga pangunahing suliranin sa lalawigan ay ang kawalan ng trabaho ng mga mamamayan. Dahil dito, minabuti ng pamahalaang panlalawigan na magsagawa ng provincial job fair sa bawat bayan upang mailapit ang trabaho para sa mga mamamayan.
“Ito po ang ginagawa natin sa segunda distrito para matiyak na yung mga kababayan natin, makakahanap ng trabaho at makatulong sa kanilang mga pamilya. Ang pinakalayunin ko po talaga bilang gobernador ay siguraduhin unang-una, makahanap kayo ng trabaho. Pero ang long-term plan ko ay yung trabahong hahanapin ninyo ay dito niyo na sa Lalawigan ng Quezon matatagpuan. ” ani Gob. Suarez.
Matapos nito, nagtungo rin ang gobernador sa bayan ng Sariaya para sa pamamahagi ng AICS o Aid to Individual in Crisis Situation. Dito, ibinahagi niya na isa sa mga pangunahing kailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ay ang sektor ng kalusugan.
Iniulat ni Gob. Suarez ang ilan sa mga proyekto ng pamahalaang panlalawigan na nakatakdang isagawa para sa ikalawang distrito. Kabilang dito ay ang groundbreaking para sa itatayong Tiaong District Hospital at pag-upgrade sa ospital ng Candelaria bilang isang district hospital kung saan nakatakda ring maglagay ng dialysis center.
Maliban sa sektor ng kalusugan, isa rin sa personal na tinututukan ni Gob. Suarez ay ang sektor ng edukasyon. Dahil dito, nagtungo rin ang ama ng lalawigan sa College of Sciences, Technology and Communications, Inc. sa bayan ng Sariaya para sa general assembly at orientation ng Serbisyong Suarez scholars.
Sa kanyang mensahe, iminungkahi ni Gob. Suarez ang agarang pakikipag-ugnayan ng nasabing eskwelahan sa pamahalaang panlalawigan partikular sa PESO para sa employment assistance ng mga mag-aaral na magsisipagtapos sa susunod na taon.
Ayon sa gobernador, higit 9,700 na ang bilang ng mga scholars mula sa 2nd district na bahagi ng scholarship program ng Serbisyong Suarez. Layunin ni Gob. Suarez kasama si Congw. Anna V. Suarez na mas maparami pa ang bilang ng mga estudyante na mabibigyang serbisyo sa tulong ng nasabing programa.
Sa pinakahuling ulat, ibinalita ni Gob. Suarez ang nakatakdang pag-uumpisa ng South Expressway sa darating na taon na pinaniniwalaang magiging daan para sa mas maraming oportunidad para sa mga kabataan ng lalawigan.
“There will be more opportunities, investments, and chances for us na makahanap ng trabaho at opportunities for investment sa Lalawigan ng Quezon. Ibig sabihin niyan, the future for the youth of Quezon Province is bright. Ibig sabihin, maganda ang kinabukasan ng hinaharap para sa inyo.” aniya.
Ibinahagi rin ni Gob. Suarez ang mga proyekto na nakatakdang isagawa sa lalawigan sa pamamagitan ng mga investors. Ilan sa mga ito ay ang brewery, cement plant, deep sea port, pier facilities, hotels, logistic hub at oil depot na itatayo sa bayan ng Pagbilao at Sariaya. (Quezon – PIO)