Hepe ng Lucena PNP P/Supt. Reydante Ariza LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - “Wala nang shabu sa Lucena, tawas nalang.” Ito ang naging pahayag...
Hepe ng Lucena PNP P/Supt. Reydante Ariza |
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - “Wala nang shabu sa Lucena, tawas nalang.” Ito ang naging pahayag ng hepe ng Lucena PNP na si P/Supt. Reydante Ariza sa isinagawang flag raising ceremony kamakailan na pinangunahan ng kanilang tanggapan.
Ayon kay Ariza, sa isinagawang drug-buy bust operation ng kanilang grupo kamakailan, lumabas sa pag-aaral na tawas at hindi shabu ang kanilang nasamsam mula sa mga nahuling ilegal drug pushers.
Kaungnay nito, umaasa ang hepe na bago madestino sa ibang lugar, maidedeklara na bilang drug-free city ang Lungsod ng Lucena. Sa katunayan, sa tulong ng City Anti-drug Abuse Council na pinangungunahan ng hepe nito na si Francia Malabanan, 14 sa 33 barangay sa lungsod ang naideklara na ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA bilang drug-cleared barangay habang 7 barangay pa ang kasalukuyang nasa proseso.
Ang lahat ng ito umano ay resulta ng tuloy-tuloy na kampanya ng kanilang ahensya laban sa iligal na droga. Hindi rin pinalampas ni Ariza ang pagkaakataon upang magpasalamat sa buong suportang natatanggap ng kanilang ahesnya mula sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Dondon Alcala.
Anito, malaking tulong para sa kanilang grupo ang suportang ibinibigay ng pamahalaang panlungsod upang mas maging malakas pa ang kanilang pwersa laban sa pagsugpo ng krimen at iligal na droga sa lungsod. (PIO Lucena/C.Zapanta)