Napakagandang pagmasdan kung ang barangay na iyong tinitirhan ay malinis at may mga mamamayan na disiplinado pagdating sa pagsasaayos ng mga...
Isa nga sa ipinagmamamalaki ng barangay Dos sa pamumuno ng kapitan nito na si Chairman Enrico De Los Rios ay ang pangunguna nila sa pagkakaroon ng maayos na solid waste management.
Sa naging panayam ng TV12 sa kapitan, ibinahagi nito ang ilan sa mga hakbanging isinasagawa ng pamahalaang barangay para sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.
Una na rito ay ang pagpapaliwanag sa mga mamamayan ng kahalagahan ng pakikiisa sa proper waste segregation gayundin sa magigiging mabuting epekto nito sa kanilang pamayanan.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit mayroong magandang samahan ang pamahalaang barangay at ang mga mamamayan dahilan sa kinakausap nila ang mga ito sa maayos na pamamaraan at pakiusap na sumunod sa mga alituntunin.
Ayon pa dito, sa tulong din ng mga barangay kagawad ay pinupuntahan ng mga ito ang bawat establisyemento na matatagpuan sa barangay at tinitiyak kung ang mga ito ay sumusunod sa panuntunan ng ordinansa ng lungsod na No segregation, No collection policy.
Sa kasalukuyan ay mayroon ang barangay na Materials recovery facility na siyang pinagdadalhan ng mga nakokolektang basura mula sa mga kabahayan.
Mayroon na rin aniya ang barangay ng ilang mga carts at tricycle na siyang ginagamit na pangkolekta sa mga basura, mapa nabubulok man o nareresiklong basura.
Tinitiyak din aniya ni De Los Rios na magmumula sa kanilang mga opisyales ng barangay ang pagiging modelo sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagiging disiplinado sa kani-kanilang mga sarili at tahanan.
Halimbawa na lang dito aniya ay kung mayroon mang mga basurang plastics na madadaanan sa kalsada ay kanila na agad itong pinupulot.
Bagamat nakikita na ang kaayusan at kalinisan sa Baranagy Dos, patuloy pa rin aniya silang magsasagawa ng mga aktibidad para sa mas ikalilinis at ikaayos pa ng komunidad. (PIO-Lucena/M.A. Minor)