Sa pagnanais na magkaroon ng malusog na pangangatawan ang bawat isa, patuloy ang pagsusulong ng pamunuan ng Barangay Marketview ng mga pro...
Sa pagnanais na magkaroon ng malusog na
pangangatawan ang bawat isa, patuloy ang pagsusulong ng pamunuan ng Barangay
Marketview ng mga programa para sa kanilang mamamayan.
Sa pamumuno ni Kapitan Edwin Napule, nagsagawa
ang sangguniang barangay ng iba’t ibang aktibidades na makakatulong sa
pagkakaroon ng maayos na kalusugan ng mga mamamayan.
Isa na nga dito ay ang Ligtas Tigdas Campaign
na kung saan ay isinasagawa ang pagtuturok ng bakuna sa mga kabataan sa
barangay upang maiwasan ang pagkakaroon ng tigdas o measles.
Naisakatuparan ang programa sa pangugunga ng
rural health nurse ng barangay na si Mareden Fangon katuwang ang sangguniang
barangay sa katauhan ni Kagawad Janine Napule na siyang Chairperson ng
Committee on Health and Sanitation sa barangay.
Hindi lang naman ito ang programa ng pamunuan
pagdating sa aspeto ng kalusugan para sa pamayanan.
Matatandaang ilang serye na rin ng pagtuturo ng
family planning para sa mga mag-aasawang residente ng barangay ang
naisakatuparan.
Naging katuwang din ng pamunuan ang Koopnaman
Multipurpose Cooperative sa pamamagitan ng libreng pre-natal check up para sa
mga buntis.
Gayundin ang pagbibigay ng libreng bakuna sa
mga sanggol sa barangay.
Inaasahan naman ang patuloy pang pagsasagawa at
pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaang barangay ng Marketview
para sa komunidad. (PIO-Lucena/M.A.Minor)