Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng lungsod ng Lucena sa National Children’s month, dumalo si Mayor Dondon Alcala sa culminating activity ...
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng lungsod ng Lucena sa National Children’s month, dumalo si Mayor Dondon Alcala sa culminating activity ng selebrasyon ng lokal na pamahalaan para sa naturang okasyon.
Sa naging pahayag ng alkalde, lubos itong nagpasalamat sa tanggapan ng City Social Welfare and Development sa pamumuno ng Officer in Charge nito na si Malou Maralit at sa mga kawani ng naturang ahensya para sa maayos na pagsasakatuparan ng week-long celebration ng buwan ng mga kabataan.
Kabilang sa mga aktibidades ay ang pagsasagawa ng city tour para sa mga daycare parents and students na kung saan ay ipinasyal ang mga ito sa ilang mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan tulad ng sanitary landfill na ngayon ay tinatawag na ecopark na din, Donvictor ville at ang unang palengke mall na mayroong escalator, sa southern tagalog.
Ibinahagi rin dito ni Mayor Alcala ang mga programa ng pamahalaang panlungsod para sa mga kabataan partikular na ang daycare program na kung saan ay libreng nakakapag aral ang mga estudyante nang walang anumang kagastusan.
Pagsapit rin aniya ng graduation ng mga ito ay maging ang toga at pictures ay libreng ipinagkakaloob ng pamahalaang panlungsod sa mga ito.
Ayon pa sa punong lungsod, patuloy pa rin ang mas pagpapaganda ng mga programa ng lokal na pamahalaan para sa mga kabataan.
Ipinagmalaki din ni Mayor Alcala ang pagtatayo ng Bagong Lucena Convention Center na aniya ay magagamit sa iba’t ibang aktibidades ng mga Daycare Centers sa lungsod.
Inilahad din nito ang ilan pa sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan tulad ng dalawang bagong daanan sa lungsod kabilang ang Mayao Parada at Tala-talao road at ang Dalahican at Cotta bridge, at ang renovation ng Dalubhasaan ng lungsod ng Lucena, Lucena PNP Station at iba pa.
Sa huli ay nagpasalamat si Mayor Dondon Alcala sa lahat ng mga nakiisa sa programa lalo’t higit sa mga mamamayan ng lungsod ng bagong Lucena. (PIO-Lucena / M.A.Minor)