Upang makita ang kalalagayan ng ilang mga buntis sa lungsod, binisita ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala ang mga ito kamakailan. Nagtungo ang...
Nagtungo ang alkalde sa ginanap na seminar ng mga buntis sa 4th floor ng Lucena City Government Complex.
Tinatayang nasa mahigit na 100 mga buntis na nagmula sa iba’t-ibang barangay sa Lucena ang nagtungo sa seminar na ito hinggil sa programa ni Mayor Dondon Alcala na First 1000 Days o F1K.
Layon ng nasabing seminar na ipaliwanag sa mga ito ang programang F1K ng lungsod na kung saan ay itinuturo dito ang mga dapat gawin ng isang nagbubuntis na ina.
Sa naging pananalita naman ni Mayor Dondon Alcala, kaniyang pinasalamatan ang lahat ng buntis na dumalo sa nasabing okasyon sa ginawang pagtitiwala nito sa programang F1K.
Ayon sa Alkalde sa ilalim ng programang ito, ang lahat ng mga buntis ay binibigyan ng Philhealth upang magamit ng mga ito sa kanilang panganganak.
Bukod dito, sakali aniyang ninais ng mga ito na manganak sa tatlong lying-in sa lungsod, na matatagpuan sa Brgy. Ibabang Dupay, Cotta, at Dalahican, ay libre ang mga ito sa lahat ng kanilang gastusin.
Dagdag pa rin ng alkalde, kapag nakapanganak na ang mga ito ay kukumpletuhin rin ang mga bakuna para sa kanilang mga anak.
Nagbigay tagubilin rin si Mayor Dondon Alcala sa lahat ng mga buntis sa lugar at sinabing hindi dapat katakutan ang mga bakuna na ibinibigay sa mga sanggol dahil aniya mas magiging delikado ang kalagayan ng mga sanggol kung hindi ito pababakunahan.
At bago pa man umalis sa nasabing seminar si Mayor Alcala ay nagkaloob pa ito ng ilang mga gamot at kagamitan para sa mga dumalong buntis dito.
Ang programang First 1000 Days o F1K ay nagsimula pa noong maupo bilang punong lungsod si Mayor Dondon Alcala dahilan sa isa sa hinahangad nito ay ang maging maayos ang kalalagayan ng mga buntis sa Lucena at ang kanilang magiging anak. (PIO-Lucena/J. Maceda)