Sa pagnanais na matulungan na muling makabangon mula sa sinapit na isang trahedya, binigyang tulong ng pamunuan ng Sangguniang Barangay ng S...
Pinangunahan ni Brgy. Silangang Mayao Chairwoman Nieves Maaño, kasama ang lahat ng miyembro ng sangguniang barangay, ang pamamahagi ng nabanggit na tulong na ito sa apat na pamilyang nasunugan sa bahagi ng sanitary landfill kamakailan.
Ayon kay Chairwoman Nieves Maaño, binigyan nila ng mga damit, kumot at bigas ang mga pamilyang nabanggit upang kanilang magamit lalo na sa panahon ng kanilang paghihirap.
Ayon sa report, nagsimula ang sunog sa sa faulty wiring at naganap ito noong ika-17 ng Nobyembre at maswerte namang walang nasaktan sa insidenteng nabanggit.
Dagdag pa ni kapitana Maaño, naisipan nilang pagkalooban ang mga nasabing pamilya sa pagnanais na rin na maibsan ang paghihirap na kanilang nararamdaman lalo na ngayon at walang nakuhang kahit na ano ang mga ito sa nasunog nilang tahanan.
Kaniya ring idudulog ang mga ito sa tanggapan ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala upang mas lalong matulungan ang mga ito at baka sakaling mabigayan ng tulong upang maipagpatayo sila ng kahit na maliit na bahay.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng mga pamilyang nabigyan ng tulong na ito ng Sangguniang Barangay ng Silangang Mayao dahilan sa nagkaroon sila ng mga kagamitan na kanilang magagamit bilang pagsisimula.
Ang pagkakaloob na ito ng mga naturang kagamitan ay dahilan na rin sa pagnanais ng mga ito na kagustuhang mapangalagaan ang lahat ng kanilang mga kabarangay kahit na sa maliit na bagay lamang at upang ipakita sa mga mamamaya sa kanilang lugar na palagiang nakahanda ang pamunuaan ng Sangguniang Barangay sa abot ng kanilang makakaya. (PIO Lucena/ R. Lim)