Napuno ng makukulay na ilaw ang buong Provincial Capitol Compound matapos isagawa nitong ika-3 ng Disyembre ang traditional Switch On...
Napuno ng makukulay na ilaw ang buong Provincial Capitol Compound matapos isagawa nitong ika-3 ng Disyembre ang traditional Switch On Ceremony kasabay ng fireworks display sa Perez Park na pinangunahan ni Quezon Governor David C. Suarez hudyat ng PASKO SA KAPITOLYO.
Nakiisa rin sa selebrasyon sina ALONA Partylist Representative Anna Marie Villaraza-Suarez, Vice Governor Samuel B. Nantes, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, mga pinuno ng tanggapan at ilan pang mga piling bisita mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Tinatayang higit 5,000 mga Quezonian ang dumalo sa nasabing pagdiriwang kung saan pinasimulan ito ng isang banal na misa na sinundan ng isang konsyerto tampok ang sikat na mang-aawit na si Darren Espanto, ang Quezon Science Madrigal Virtuosos, Holy Rosary Seminary at St. Alphonsus School of Theology Choir.
Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Gob. Suarez sa patuloy na pakikiisa ng mga mamamayan ng lalawigan sa taunang selebrasyon ng Pasko sa Kapitolyo. Aniya, isa sa mga pangunahing isinasapuso ng bawat lingkod bayan tulad niya at ng mga kawani ng pamahalaang panlalawigan ay ang pagbibigay ng kasiyahan para sa mga kababayang kanilang pinaglilingkuran.
“I realized, Christmas is about giving and sharing. Christmas is all about being thankful for all the blessings that we’ve had. Christmas is about family. We are all part of Quezon Province as one big family. At bilang kami ang mga naglilingkod, dito ngayon sa Kapitolyo, nais din namin kayong pasiyahin. Nais din namin kayong bigyan ng konting ligaya at aliw.” ani Gob. Suarez.
Tulad ng tagumpay ng nakaraang Niyogyugan Festival, inaasahan na rin ang pagdagsa ng maraming turista sa Perez Park mula sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan at mga karatig bayan upang tunghayan ang makukulay na lights display sa buong Capitol Compound.
Siniguro rin ng gobernador ang patuloy na paghahatid ng mahusay na serbisyo mula sa kanyang administrasyon sa mga darating pang buwan ng kanyang paglilingkod bilang gobernador ng lalawigan.
“Umasa po kayo, sisiguraduhin natin na yung inumpisahan natin dito sa Provincial Capitol, ay maipagpapatuloy. Hindi po tayo titigil na ang ating mga kababayan ay parating masasaya, maliligaya, at patuloy pa rin po tayong maglilingkod para mas magkaroon ng katiwasayan ang ating lalawigan. We wish you all a Merry Merry Christmas and a Happy New Year, more blessings para sa inyo. And I hope you enjoy our Christmas celebration dito sa Kapitolyo.” pagtatapos ni Gob. Suarez.
Ilan sa mga nakahandang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko sa Kapitolyo ay ang Konsyerto sa Perez Park, Christmas Village, Food Hub, Parol Making Contest, Dog Holiday Costume Contest, Panunuluyan at Simbang Gabi.
Ang Pasko sa Kapitolyo ay handog ng Serbisyong Suarez sa suporta ni House Minority Floor Leader Danilo Suarez at Congw. Aleta Suarez. Tatagal ang nasabing selebrasyon mula ika-3 ng Disyembre hanggang ika-22 ng Disyembre. (Quezon – PIO)