Isinagawa kamakailan ang isang pagpupulong sa pagitan ng mga miyembro ng local committee against professional squatters and squatting syndic...
Kabilang na dito sina City Administrator Anacleto “Jun” Alcala Jr., ABC President Konsehal Boy Jaca, Assistant City Legal Officer Atty. Ferdinand Lagman at ang Director ng Legal and Anti-Squatting EXternal Affairs Group Atty. Alvin Claridades.
Gayundin ng ilang mga hepe ng mga opisina sa pamahalaang panlungsod at ilang mga representante mula sa Presidential Commission for the Urban Poor, Confederation of Lucena, Urban Poor Associations, City Social Welfare and Development, Lucena PNP, City DILG, private sectors at non-government organization.
Nabanggit sa pagpupulong na kung sinumang indibidwal o mga grupo na sumasakop sa lupain nang walang pahintulot ng may-ari ng lupa at may sapat na kita naman para sa lehitimong pabahay ay itinuturing na mga professional squatters.
Gayundin ang mga mamamayan na nauna nang gawaran ng mga homelots o pabahay ng gobyerno ngunit ibinenta o pinapaupahan ang mga ito at mas pinili pa ring manirahal ng illegal sa parehong lugar o urban areas.
At para naman sa mga squatting syndicates, sila ay binubuo ng dalawa o higit pang katao o isang grupo na iligal na umaangkin sa isang ari-arian, gumagamit ng mga pekeng dokumento na nagsasabing pag- aari nila ang lupa at mga naniningil at nagpapaupa sa mga mamamayan sa iligal na paraan.
Tinalakay din dito ang nilalaman ng executive order RA No. 047 o ang kautusan na lumilikha at nagsasaad ng pagkakaroon ng isang komitiba na hahawak sa paglimita at pag aalis sa mga professional squatters at squatting syndicates.
Nasa ilalim din ng Section 27 ng Republic Act No. 7279 o ang Urban Development and Housing Act of 1992 na ang lokal na pamahalaan katuwang ang PCUP, PNP at PCUP- accredited organizations ay dapat magpatupad ng mga hakbangin upang makilala at mabawasan ang mga iligal na gawain ng mga propesyonal na squatters at squatting sindicates.
Bagamat marami ang bilang ng mga informal settlers sa lungsod, makakaasa umano ang publiko na patuloy na gagampanan ng LCAPSSS kaisa ng pamahalaang panlungsod ang kanilang gampanin na malimitahan at tuluyan ng maalis ang mga professional squatters at squatting syndicates na nanamantala sa mga mamamayan. (PIO-Lucena/M.A. Minor)