Sa layuning mapagtibay pa ang suporta ng pamahalaang panlalawigan para sa pangangailangang medikal ng mga Quezonian, isinagawa nitong i...
Sa layuning mapagtibay pa ang suporta ng pamahalaang panlalawigan para sa pangangailangang medikal ng mga Quezonian, isinagawa nitong ika-14 ng Enero ang groundbreaking ceremony ng Aruga Birthing Home sa bayan ng Sariaya.
Pinangunahan ni Gob. David C. Suarez at ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez kasama ang ilang mga board member, mga kapitan, municipal health officers at mga pinuno ng tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing seremonya sa Brgy. Tumbaga, nabanggit na bayan.
Ayon kay Gob. Suarez, ang Aruga Birthing Home na may kabuuang sukat na 533 sqm ay magkakaroon ng 15 bed capacity birthing station na magiging tugon sa usaping pangkalusugan ng mga buntis sa bayan.
Samantala, matapos ang naturang proyekto ay nakatakda namang magtayo ng karagadagang gusali upang mabuo ang isang full hospital sa naturang lokasyon. Ito ay sa patuloy na pakikipagtulungan at suporta nina House Minority Floor Leader Danilo E. Suarez at ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez.
Kaugnay ng tulong-medikal para sa mga buntis, ibinahagi ni Gob. Suarez na isa ang Quezon’s First 1,000 Days of Life sa pangunahing mga programang nagbibigay-suporta sa mga ina at sanggol sa lalawigan. Sa loob ng limang taon na pagpapatupad ng programa, higit 13,000 na ang bilang ng mga ina ang nabigyang serbisyo ng Q1K Program.
Noong nakaraang taon, pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagsasabatas ng First 1,000 Days of Life sa bansa kung saan isa sa mga pangunahing may-akda nito ay si ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez.
“Bago pa ito maging batas ng bansang Pilipinas, bago pa ito maging programa ng ating national government, dito sa Lalawigan ng Quezon apat na taon na nating ini-implement ang programang ito. Siguro, testament na ‘yan sa galing at husay ng ating pamahalaang panlalawigan na tayo ang naging modelo ng bansa sa isang programang kanilang ipatutupad.” ani Gob. Suarez. (Quezon – PIO)