Konsehal Anacleto Alcala III Ang paaralang isang pamilyang pinagbuklod sa pagpapatawad, pagkakasundo at pagmamahalan na nagbunga ng k...
Konsehal Anacleto Alcala III |
Ang paaralang isang pamilyang pinagbuklod sa pagpapatawad,
pagkakasundo at pagmamahalan na nagbunga ng kabataang maka-Diyos, makatao,
makabayan at maka-kalikasan.
Ganito isinalarawan ni Konsehal Anacleto Alcala III ang Sacred
Heart College, matapos niyang dalhin sa sangguniang panlungsod ang usapin
hinggil sa insidenteng nangyari sa nasabing paaralan.
Matatandaang kasabay ng pagpsok ng bagog taon, ay isang
nakapanlulumong pangyayari ang sumalubong sa Sacred Heart College na kung saan
ay tinupok ng apoy ang buong administration building nito kasama ang Chapel,
Sisters Quarter, Elementary Department, IT Center, Hermana Fausta Hall at
dalawang malaking silid aklatan.
Sa naging pahayag ng Konsehal sa kanyang pribilehiyong pananalita,
labis aniya niyang ikinalungkot ang pangyayari, hindi lang dahil sa minsan niya
itong naging pangalawang tahanan nang mag aral siya dito sa loob ng isang
dekada, kundi dahil ang naturang eskwelahan ay naglalaman din ng mga
napakaraming alaala, pagmamahalan, pangarap at pag-asa ng bawat mamamayan.
Sa likod ng hindi inaasahang pangyayari ay hindi lamang ang
pagkasira ng mga imprastraktura ang nakakapanlumo kundi maging ang mga pangarap
at hangarin ni Hermana Fausta Labrador, ang Ina n g lungsod ng Lucena na siyang
nagtatag sa paaralan.
Bagamat masakit ang sinapit, nagpapasalamat naman aniya ang mga
madre sa paaralan sa agarang pagtugon ng mga Lucenahin maging ng mga mamamayan
mula sa ibang bayan sa panahon ng pangangailangan, lalo’t higit ang sampung
madre ng Daughters of Charity na ligtas na nakalabas sa paaralan sa kasagsagan
ng insidente. (PIO-Lucena/M.A. Minor)