Lucena City Administrator Anacleto Alcala, Jr. and Lucena City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) head Francia Malabanan display the “20...
by Nimfa L. Estrellado
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Bago pa man matapos ang taon ng 2018 ay isang pahabol na parangal ang iginawad sa Lungsod ng Lucena sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala at ito ay ang mapabilang sa isinagawang National Anti-Drug Abuse Council Performance Award bilang isa sa mga lungsod sa buong bansa na nagsagawa ng mga magagandang programa laban sa ilegal na droga.
Magkakasamang tinanggap nina City Administrator Anacleto “Jun” Alcala Jr., na siyang nagrepresenta kay Mayor Dondon Alcala, CADAC Head Francia Malabanan, PO2 Ana Paral at City DILG Director Engr. Danilo Nobleza ang naturang parangal na ito.
Ang Lungsod ng Lucena ay kabilang sa 241 local government units (LGUs) na pinagkalooban ng nasabing parangal na kauna-unahan sa bansa.
Ang paggawad ay isinagawa ni DILG Secretary Eduardo M. Año na nagsabing ang giyera laban sa ilegal na droga ay magtatagumpay lamang kung ang lahat ay makiisa, tutulong at susuporta, at ang outstanding performance ng mga LGUs ay patunay lamang na ang laban ng pamahalaan sa droga ay nasa tamang direksyon.
“Congratulations sa lahat ng mga pinarangalan dito. Patunay lamang po ito na maaasahan ang mga LGUs bilang partners o katuwang sa ating kampanya laban sa ilegal na droga,” pagbati ni Sec. Año sa mga tumanggap ng Gawad.
Ang audit criteria para sa pagpili ng mga awardees ay organisadong local ADAC, implementasyon ng ADAC plans at programs, suporta sa pondo, suporta sa ADACs ng component LGUs at ang pagsasagawa ng quarterly meeting o pagpupulong.
Ang Lungsod ng Lucena sa pamumuno ni Mayor Dondon Alcala ay pasok sa lahat ng criteria at nagtamo ng mataas na functionality points o ang tinawag nilang “adjectival rating of ideal (high functionality) base sa 2017 ADAC Performance Audit.
Naging panauhing pandangal sa awarding program si dating Presidential Assitant Bong Go na siyang nanguna sa paggawad ng parangal.
Ayon kay Go, isa sa mga prayoridad na programa ng Pangulong Rodrigo Duterte ay ang pagsugpo sa ilegal na droga dahil ito ay konektado sa iba’t ibang uri ng kriminalidad.
Nagpasalamat din si Go sa mga LGUs at umaasa umano siya na magpapatuloy ito sa masigasig na kampanya laban sa illegal drugs.
Presidential Assitant Bong Go |