by Ruel Orinday-PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang maagang pa...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Mahigpit na ipinagbabawal ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang maagang pangangampanya ng mga kandidato sa halalan sa Mayo 2019.
Sa programang Balikatan Unlimited with PIA sa DWLC-Radyo Pilipinas Lucena, sinabi ni Roberto Luzano ng COMELEC-Quezon na ngayon pa lamang ay napakadami nang mga posterc o campaign materials ang makikita sa mga punong kahoy, sa pader ng mga gusali at iba pa na ngayon ay ipinatatanggal ng COMELEC sapagkat hindi pa naman talaga ito ang panahon para mangampanya ang isang kandidato.
Ayon sa Calendar of Activities ng COMELEC, ang pangangampanya para sa mga senador at party list groups ay magsisimula sa Pebrero 12 hanggang sa Mayo 11, 2019 samantalang ang campaign period para sa mga local position ay masisimula pa lang sa Marso 29, 2019 hanggang Mayo 11, 2019.
“Ang sinumang kandidato na lalabag sa alituntunin na ito ay posibleng mapatawan ng kaparusahan,” sabi pa ni Luzano.
Ayon sa COMELEC, may mga designated areas na rin na itatakda upang doon ilagay ng mga kandidato ang kanilang campaign materials kagaya ng poster at mga streamer kung saan dapat ding sundin ng mga kandidato ang tamang sukat ng campaign material na kanilang ilalalagay.
Magsisimula naman ang pagpapatupad ng gun ban sa Enero 15, 2019 hanggang sa Hunyo 12, 2019.
Bawal na ang pangangampanya at pag-inom at pagbebenta ng mga alak o inuming nakalalasing sa Mayo 12-13, 2019. Idaraos ang eleksiyon sa Mayo 13, 2019.
Kailangan ding magsumite ang mga kandidato ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa COMELEC. (Ruel Orinday-PIA-Quezon)