Catanauan Regional Trial Court Br. 96 Presiding Judge Edliwasif Baddiri (nakaitim sa unahan) ay nanguna sa ginawang pagdinig sa kasong v...
nina John Bello at Allan Mogol
CATANAUAN, QUEZON – Nahaharap ang mag-asawang Punongbayan Almira Orfanel, ang kanyang asawang dating punongbayan Ramon Orfanel at 18 iba pang nasangkot sa kasong vote-buying at illegal use of government properties o paglabag sa Sec. 261a ng Omnibus Election Code.
Pinangunahan ni Regional Trial Court Judge Edliwasif Baddiri ang pagdinig ng arraignment sa courtroom ng Br. 96 kung saan nagharap ang mga abogadong tagausig at mga abogado ng 20 nasasakdal noong Martes, January 15 sa bayang ito.
Kinatawan ni Lucena city election officer Anna Marie Barbacena ang pag-uusig laban sa 4 na abogado ng mga akusado na naghain ng motion to quash the information o pagpawalangbisa sa akusasyon dahil umano sa kabiguan nitong ihayag ang mga elemento ng krimen.
Hindi pinahintulutan ni Baddiri na tumindig at makisangkot sa pagdinig si private prosecutor Joseph Adolfo Ilagan dahil sa kawalan ng written notification ng Comelec.
Dumalo sa pagdinig ang mga akusado kabilang ang dating vice mayor na si G. Manuel Montano na ang anak ay kumakandidato sa hanay ni G. Ramon Orfanel. Tumangging magpahayag si dating punongbayan Orfanel nang lapitan ng ilang media practitioners upang kapanayamin.
Walang dumalo ni isa man sa mga private complainants sa nasabing pagdinig.
Ang insidente ay naganap noong bago ang halalang May 2016 at ang tumatakbo noon sa pagkapunongbayan ay si Gng. Almira.
Ayon kay G. Ronnie Lopez, political leader ng dating punongbayan Sebastian Serrano na katunggali sa halalang pangpunongbayan noong halalang 2016 laban kay Gng. Orfanel, noong gabi bago maghalalan ay nalaman niya sa mga motor riders na may mga tao sa loob ng munisipyo na kinabibilangan ni Orfanel at ng kanyang mga kandidatong konsehal kasama pa ang ilang mga sundalo at kapulisan.
Dumagsa umano ang mga tao sa labas ng munisipyo at di makalabas ang mga taong nasa loob na tumagal umano ng magdamag at pinagdudahan nila kung anong ginagawa sa huling gabi bago maghalalan.
“Tatlumpo’t walo ang kinasuhan ng direct assault, harassment at serious illegal detention ng mag-asawang Orfanel samantala sila itong pumasok sa loob ng munisipyo na pinagbabawal ng batas kung may halalan,” pahayag ni Lopez at idinagdag na pawang nadismis ang mga kaso sa 38 at 15 na lang ang natirang nakasuhan.
Idiniin naman ni G. Enrique Pardo, campaign manager ng PDP-Laban ng kampo ni Serrano na itutuloy ng huli ang nakasampang kasong vote-buying at use of government properties laban sa mag-asawang Orfanel at 18 iba pa kaugnay umano sa pamimili ng boto gamit ang insurance card na naglalaman ng mga benefisyong aabot sa halagang P250 bawat isa at mismong cash bills sa mga botante at paggamit umano ng mga sasakyan at iba pang kagamitang pag-aari ng munisipyo.
Naniniwala sina Pardo, Lopez at si G. Roderick De Leon, na tumatakbong konsehal sa darating na eleksiyon sa Mayo, na matutuloy sa diskwalipikasyon sa mag-asawang Orfanel ang isinampang kasong paglabag ng mga ito sa Omnibus Election Code.
Binigyan ni Baddiri ng 10 araw ang panig ng mga akusado upang sagutin ang amended information laban sa kanila.