by Ruel Orinday, PIA-Quezon SAMPALOC, Quezon - Isang ceremonial turn-over ng mga bagong kagamitan para sa Sampaloc Weavers Association ang ...
SAMPALOC, Quezon - Isang ceremonial turn-over ng mga bagong kagamitan para sa Sampaloc Weavers Association ang isinagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Enero 23 sa barangay San Roque, Sampaloc, Quezon.
Pinangunahan ni DTI-4A Assistant Regional Director Marcelina Alcantara, DTI-Quezon OIC-Provincial Director Julieta Tadiosa at Sampaloc Vice Mayor Boy Abeja ang naturang aktibidad.
Ang naturang mga kagamitan na layong maging pulido at mapabilis ang paggawa ng mga produkto mula sa buli ng asosayon ay ang mga sumusunod: 2-unit ng high post sewing machine; 3-unit ng fabric cloth cluster cutting machine; 1-unit ng high speed lockstitch piping industrial sewing machine; 2-unit ng single needle walking foot; 1 unit ng cylinder type walking foot with binding folder; at 1-unit ng electronic weighing scale.
Sinabi ni Alcantara na tutulong ang DTI sa pagbebenta o marketing ng mga produktong ginawa ng samahan sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga trade fair sa mga malls at iba pang mga aktibidad ng DTI.
“Si Senator Loren Legarda ay tumulong at patuloy na tutulong pa sa Sampaloc Weavers Association kung kaya’t hindi kayo dapat mag-alala sa pagpapatakbo ng inyong negosyong paggawa ng mga produktong mula sa buli o buri kagaya ng sombrero, pamaypay, bag at iba pa,” sabi pa ng opisyal.
Sinabi naman ni DTI-Quezon OIC Provincial Director Julieta Tadiosa na ang DTI ay handa talagang tumulong sa mga maliliit na negosyante o samahan kagaya ng Sampaloc Weavers Association upang mapabilis ,mapaganda pa ang paggawa ng mga produkto at mapalaki ang kita ng samahan.
Lubos naman ang ginawang pasasalamat ng pamahalaang bayan ng Sampaloc at ni Gng. Ofelia Gagan na pangulo ng Sampaloc Weavers Association sa DTI sa pagkakaloob ng nasabing mga kagamitan.
Bago ang naturang turover, may mga kagamitang nauna nang ibinigay sa nasabing samahan ang DTI noong Disyembre 2013 at Pebrero 2015 at ang huli ay noong Enero 23, 2019 na umabot sa kabuoang halagang P1.1M. (Ruel Orinday, PIA-Quezon)