by Ruel Orinday, PIA Quezon LUCENA CITY, Quezon - Magdaraos ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ng isang public bidding sa M...
LUCENA CITY, Quezon - Magdaraos ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ng isang public bidding sa Marso 1, 2019 sa 9th floor ng PDIC training room sa SSS building, Ayala Avenue corner Rufino Street, Makati City.
Inaanyayahan ng ahensya ang lahat ng mga mamamayan sa lalawigan ng Quezon at karatig lugar na interesadong bumili ng mga ari-arian mula sa iba’t-ibang nagsarang bangko na lumahok sa gaganaping public bidding.
Sa idinaos na ‘Kapihan sa PIA sa Pacific Mall’ sa Lucena City noong Pebrero 12, sinabi nina Atty. Saddy Rillorta, OIC ng Institutional Relations Department at Ma. Roselle Luz Flores ng PDIC na may 66 na ari-arian ang pwedeng i-bid sa nasabing public bidding.
“Sa residential at commercial lot, pito ang nasa lalawigan ng Batangas, isa sa Laguna, 10 sa Metro, 13 sa Palawan, 13 sa Quezon at 6 naman sa lalawigan ng Rizal ang kasama sa public bidding,” sabi pa ni Flores.
Kabilang din sa ibi-bidding ang ilang mga kagamitan kagaya ng motor vehicles, generator set at air conditioning unit na nasa lalawigan ng Batangas, Cagayan, Iloilo, Metro Manila, Negros Occidental, Pangasinan at Lalawigan ng Quezon.
Ang bawa’t bidder ay bibigyan ng isang white envelop at brown envelope kung saaan dapat iagay sa white envelope ang na fill-up na bid form samantalang sa brown envelope naman ilalagay ang bid deposit na katumbas ng 10 porsyento ng kabuoang halaga ng isinumiteng bid para sa isang property.
Ang public bidding ay magsisimula sa ganap na ika 9:00 ng umaga hanggang ika- 1:45 ng hapon.
Para sa iba pang mga katanungan ukol sa bidding ng property at iba pang mga dokumentong dapat ihanda , maaaring bisitahin ang website ng PDIC sa www.pdic.gov.ph.