LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Iba’t ibang isyu at usapin sa pamayanan ang maaaring iugnay pagdating sa aspeto ng mga kabataan. Kabilang na di...
Kabilang na dito ang kamakailan lang na pagbabalak na pagbababa ng edad ng mga kabataang maaaring mapanagot sa batas, mga kabataang nagiging sangkot sa ilang serye ng kriminalidad at gayundin ang mga nagiging biktima ng karahasan dulot ng droga at masamang Gawain.
Sa kasalukuyan, ang lungsod ng Lucena ay mayroong konseho na siyang tumutulong at nakahandang pumrotekta sa bawat kabataan o ang tinatawag na Local Council for the protection of Children.
Kamakailan nga lang ay nagsagawa ang naturang lupon ng kanilang unang kwarter na pagpupulong na kung saan ay tinalakay ang iba’t ibang mga programa at proyekto na pinaplanong isagawa at ipatupad para sa mga kabataan.
Bilang isa sa pangunahing suliranin ngayon na kinakaharap ng bansa ay ang pagkakaroon ng maraming bilang ng mga child laborers, ninanais ng LCPC na mapababa ang kaso ng nasabing usapin partikular na sa mga kabataang Lucenahin. Maisasakatuparan umano ito sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapaigting ng parental responsibility.
Tuloy-tuloy rin ang pagdaraos ng LCPC kasama ang mga kabataang nananatili sa Reception and Action Center ng lungsod para sa mga selebrasyon ng iba’t ibang aktibidad tulad ng National Children’s Month, Nutrition month, Family Day at iba pa.
Katuwang ang City Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Malou Maralit at mga social workers mula sa nasabing tanggapan at sa RAC, ay patuloy na magsasagawa ang konseho ng rescue and round-up operations para sa mga kabataang inabuso, inabanduna, pinabayaang manatili sa lansangan at mga nagkasala o Children in conflict with the law.
Matapos iligtas at kupkupin ang mga naturang kabataan ay pinag-aaral rin ito ng lokal na pamahalaan at pinagkakalooban ng sapat na suplay ng pagkain, school allowance at maging uniporme at gamit sa paaralan, sa tulong na rin ng iba’t ibang ahensya na sumusuporta sa kanila.Makikiisa rin umano ang LCPC kaisa ng lahat ng mga miyembro na bumubuo nito sa mahigpit na kampanya hinngil sa karahasan laban sa mga kababaihan at kabataang Lucenahin.
Sa huli, ay inaasahan ang katagumpayan sa pagsasakatuparan ng lahat ng mga programa at proyektong inaasahan para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga kabataan. (PIO-Lucena/M.A.Minor)