GUMACA, Quezon - Masasayang mga ngiti at malulusog na tawanan ang pumuno sa Southern Quezon Convention Center sa Gumaca, Quezon dahil sa ...
GUMACA, Quezon - Masasayang mga ngiti at malulusog na tawanan ang pumuno sa Southern Quezon Convention Center sa Gumaca, Quezon dahil sa isinagawang Provincial Convention ng mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) at Q1K Barangay Coordinators, ika-8 ng Pebrero.
Tinatayang halos tatlong libong mga BNS at Q1K Barangay Coordinators mula sa buong probinsya ng Quezon ang dumalo sa nasabing aktibidad.
Ang taunang pagpupulong ng mga BNS at Q1K Barangay Coordinators ay naglalayong makapagbigay ng isang araw na saya at kaalaman sa ating mga kasamahan sa paglilingkod sa larangan ng kalusugan at nutrisyon. Layunin din nito na kamustahin ang mga BNS at Q1K Barangay Coordinators sa kani-kanilang mga gawain.
Sa mandato ng Presidential Decree 1569, nagkaroon ng isang Barangay Nutrition Scholar (BNS) sa bawat barangay sa buong bansa na siyang tumututok sa nutrisyon ng mga bata lalo’t higit ang mga mabababa at kulang sa timbang.
Samantala ang mga Q1K barangay coordinators naman ay sumibol dahil sa kagustuhan ng ama ng lalawigan na si Gob. David C. Suarez na mas matutukan at masubaybayan ang mga ina sa lalawigan na nagdadalang tao.
Nagpahayag naman ng pasasalamat at pakikiisa ang Alona Partylist Representative, Congw. Anna V. Suarez sa mga BNS at Q1K Barangay Coordinators sa kanilang dedikasyon at hindi matatawarang serbisyo at suporta para sa mga programa at proyektong pangkalusugan ng pamahalaang panlalawigan.
Dumalo din sa pagtitipon si Sen. Cynthia A. Villar na nagbahagi ng kaniyang mga programang pang agrikultura at pangkababaihan. Aniya, siya ay nagagalak sa mas lalong yumayabong na industriya ng niyog dito sa lalawigan ng Quezon na siyang nagiging daan upang mas makilala ang mga produkto na gawang Quezon lalo na ang coco sugar. Nagiging daan din ang ganitong mga proyekto upang magkaroon ng pangkabuhayan ang mga Quezonians lalo’t higit ang mga kababaihan.
Dagdag pa ni Sen. Cynthia Villar na makakaasa ang probinsya ng Quezon sa kaniyang suporta sa pagpapalawig ng mga proyektong pang agrikultura at pangkababaihan. (Quezon - PIO)