by Ruel M. Orinday, PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Patuloy na isinasagawa ngayon ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD) ang ib...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Patuloy na isinasagawa ngayon ng Quezon Metropolitan Water District (QMWD) ang iba’t-ibang mga proyekto sa lungsod ng Lucena at Tayabas gayundin sa bayan ng Pagbilao na inaasahang makapagbibigay ng sapat at malinis na daloy ng tubig sa mga susunod na taon sa mga residente ng nasabing mga bayan at lungsod.
Sa programang “Balikatan Unlimited with PIA” sa DWLC- Radyo Pilipinas Lucena noong Enero 31, sinabi ni Imee Tumacder ng QMWD na katuwang nila sa pagpapatupad ng mga proyekto ang Prime Water- Quezon Metro at layunin nito na maging 24 oras o 24/7 ang daloy ng tubig sa mga kabahayan sa mga lugar na naseserbiyohan ng nasabing water district.
Kabilang sa mga proyektong isinasagawa ay ang spring source development sa barangay Dapdap, Tayabas City na inaasahang makapagbibigay ng karagdagang water supply sa may 5,320 pamilya sa lungsod ng Tayabas.
Patuloy ding isinagawa ang proyektong deep well source development sa Purok Baybayin na makapagbibigay naman ng karagdagang suplay ng tubig sa may 3,150 pamilya sa bayan ng Pagbilao habang patuloy din ang pagsasagawa o rehabilitation at recommissioning ng lumang 250mm transmission line sa barangay Ilayang Iyam, Lucena City na makapagbibigay ng karagdang suplay ng tubig sa Lucena City town proper.
Samantala, tuloy-tuloy din ang rehabilitasyon ng lumang 100mm distribution line sa barangay Bigo, Pagbilao, Quezon na siyang makatutulong upang maging 24 oras-kada araw ang daloy ng tubig sa Intertown, Pagbilao, Quezon samantalang patuloy din isinasagawa ang rehabilitasyon ng lumang 200mm transmission line sa barangay Kanlurang Mayao na siyang makapagbibigay ng sapat na suplay ng tubig sa may 5,320 pamilya sa barangay Ibabang Dupay at Mayao, sa lungsod ng Lucena.
Ang iba pang mga isinasagawang proyekto ng QMWD katuwang ang Prime water-Quezon province na makatutulong din upang mabigyan ng sapat at malinis na tubig ang mga pamilyang naninirahan sa lungsod ng Lucena at Tayabas ay ang mga sumusunod: Electrification and Pumphouse construction sa Purok Walang Kupas, Lucena City at Tayabas City gayundin ang proyektong electrification and pumphouse construction sa Welmanville Arias at Calumpang, Tayabas City.