Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng buwan ng pagmamahalan at araw ng mga puso ngayong Pebrero, isinagawa kamakailan ang isang pagtitipon na t...
Ang pamagat ng naturang aktibidad ay hango sa pinaigsing katawagan sa salitang ingles na seriously sa pamamagitan ng pagpapaikli dito na binubuo ng mga letrang S-R-S-L at Y, na kung saan ay may kaakibat na kahulugan ng paksang tinalakay sa naturang aktibidad.
S bilang sex education, R para sa relationship at L and Y para sa love for young people.
Naisakatuparan naman ang programa sa inisyatibo ni Konsehal Sunshine Abcede-Llaga na siyang nanguna sa pagsisimula ng forum.
Ginanap ito sa Lucena Teachers’ Conference Hall ng West 1 Elementary School na kung saan ay tinatayang mahigit sa dalawang daang freshmen students mula sa Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena ang naging partisipante.
Sa pagsisimula ng programa, isa sa naging tagapagsalita ang spokesperson ng Akbayan Partylist na si Gio Tingson na dati ring chairperson ng National Youth Commission at Student Council President sa isang tanyag na unibersidad sa bansa.
Tinalakay nito ang usapin hinggil sa maagang pagbubuntis o teenage pregnancy sa bansa gayundin ang mga hakbanging isinagawa upang masolusyunan ito at ang mga bagay na maaari pang isaalang alang at ipatupad.
Sinundan naman ito ng ikalawang tagapagsalita na si San Pablo City Councilor Karla Monica Adajar na siyang humahawak sa komitiba para sa mga kabataan, kababaihan, nakatatanda at natatanging sektor sa kanilang bayan.
Ibinahagi naman nito ang kanyang personal na pananaw hinggil sa pagbibigay at pagtanggap ng pagaaruga at pagmamahal para sa kapwa. Gayundin kung paano magagamit ng mga kabataan ang pag-ibig bilang inspirasyon at sandata upang labanan ang maaari nilang maranasang pagwawalang-bahala sa lipunan.
Huling nagsalita naman si Dr. Dario Flores, isang psychiatrist mula sa Mt. Carmel Diocesan Hospital sa lungsod.
Ipinaliwanag naman nito ang usapin hinggil sa love and teenage relationships mula sa perspektibo ng isang saykayatrista. Nagbigay payo din ito para sa mga nakadanas ng kabiguan pagdating sa pakikipagrelasyon at pagkakaroon ng responsible sexual behaviour.
Ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad ay makatutulong sa mga kabataang naging partisipante upang higit na mamutawi sa kanilang kaisipan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman hinggil sa sex education, gayundin ay upang maunawaan ng mga ito ang mga bagay na mas mabuting isaalang alang lalo’t higit sa kanilang mga nasa murang edad, tulad na lang ng pag-aaral ng mabuti.
Sa pamamagitan din nito ay matutulungan ang pamahalaan upang mas matututukan ang problema tungkol sa teenage pregnancy na isa sa kinakailangan nang mapigilan ang paglaganap. (PIO-Lucena/M.A.Minor)