by Bong Rivera CAMP NAKAR, LUCENA CITY - Limang sundalo ang sugatan matapos makasagupa ng mga komunistang rebeldeng New People’s Army s...
CAMP NAKAR, LUCENA CITY - Limang sundalo ang sugatan matapos makasagupa ng mga komunistang rebeldeng New People’s Army sa Sitio Little Baguio, Bgy. Magsaysay, bayan ng Infanta dakong alas 8 ng umaga kahapon.
Kinilala ang 4 na mga sugatang sundalo na sina Cpl. Astoveza, Cpl.Gasagas, Pvt.Telan at Pvt.Bistora na agad namang nadala sa pagamutan.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng patrolya ang tropa ng PNP-Special Action Force Regional Mobile Force Batallion at 80th Infantry Batallion, 2nd Recon Platoon 2nd Jungle Fighter Company 2nd Infantry Division, Philipine Army na pinamumunuan ni Lt.Candog nang makasagupa ng mga ito ang mga rebelde.
Tumagal ng halos 20 minuto ang bakbakan ng tropa ng pamahalaan at NPA bago umatras at tumakas na ang mga rebelde patungo sa bahagi ng Southwest.
Samantala, kasunod nito bandang alas 3:05 ng hapon ay nagkaroon din ng sagupaan sa pagitan ng Charlie Company 85IB Phil.Army at tinatayang 7 rebeldeng NPA sa Brgy.Villa Nacaob, Lopez, Quezon na tumagal din ng ilang minuto bago tuluyang umatras at tumakas ang mga rebelde.
Hinala ng militar ay may mga nasugatang NPA sa naganap na enkwentro kung kaya nagkasa agad ng mga checkpoint ang mga awtoridad at binantayan na rin ang mga ospital sa bayan ng Lopez na posibleng pagkunan ng medical assistance ng mga NPA. Wala napaulat na may nasawi at nasugatan sa panig ng mga sundalo.