by Annadel O. Gob LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon - Dalawang bagong gusali ang magagamit ng mga mag-aaral at guro ng Tayabas West Central ...
by Annadel O. Gob
LUNGSOD NG TAYABAS, Quezon - Dalawang bagong gusali ang magagamit ng mga mag-aaral at guro ng Tayabas West Central school III (TWCS III) sa Brgy. Opias, Tayabas City sa susunod na pasukan. Ang pagtatayo ng bagong gusali ay proyekto ni Cong.Trina Enverga sa pondong magmumula sa Department of Education (DepEd) upang matugunan ang pangangailangan ng karagdagang silid-aralan.
Ayon naman kay Engr. Colico, nagkakahalaga ang gusali ng kabuuang P13M. Inaasahan niya na matatapos ang gusali pagsapit ng Hunyo 2019. Idinisenyo ang 2 palapag na gusali dahil sa maliit na lupang nasasakupan ng paaralan.
Minimithi ng punongguro ng TWCS III na si Gng. Leah C. Clado na gawing silid-aralan ng Grade 5 at 6, ang two-storey, four classrooms.
Kinikilala rin naman ng mga student-leaders ang responsibilidad nila at ng mga mag-aaral sa mga gusaling itinatayo sa kanilang paaralan. Sabi ni John Lawrence Corong, mula sa ikalimang baitang,”Mas pagagandahin, aayusin, at bibigyang-halaga pa naming ang mga buildings.” Pahayag naman ng pamunuan ng Parents-Teachers Association (PTA), “Tutulong ang mga magulang sa pagpapanatili ng cleanliness at orderliness ng mga buildings.”
Positibo ang pag-asa ng mga guro ng paaralan patungkol sa paglalaan sa kanila ng gusali, wika ni Gng. Melde E. Jalbuena, guro sa ika-5 baitang, “Mas makakapag-concentrate ang mga bata sa kanilang pag-aaral.” Sa kasalukuyan, 4 na seksiyon ng klase ang pansamantalang nagkaklase sa covered court at isang seksiyon ang nasa tagiliran ng kapilya ng subdibisyon.
Binubuo ang TWCS III NG 665 mag-aaral mula sa Brgy. Lalo at Opias at 21 guro.