Upang patuloy pang pagtibayin at suportahan ang mga pangangailangang pang-edukasyon ng mga mag-aaral sa lalawigan, pinangunahan ni Quez...
Upang patuloy pang pagtibayin at suportahan ang mga pangangailangang pang-edukasyon ng mga mag-aaral sa lalawigan, pinangunahan ni Quezon Governor David C. Suarez ang groundbreaking ceremony ng three-storey science laboratory building sa Quezon Science High School, Brgy. Isabang, Tayabas City nitong ika-14 ng Marso.
Ayon kay OIC School Director Carla Marie Carandang, ang panibagong laboratory building na ito ay isa lamang sa kasagutan sa mga pinapangarap nila para sa kanilang paaralan. Aniya, patunay lamang ito sa patuloy na suporta ng itinuturing na ama ng bawat mag-aaral ng QSHS na si Gob. Suarez.
“Ang three-storey science laboratory building ay isa pong patunay lamang na kami at mismong mga mag-aaral na nangarap na magkaroon niyan ay nais pang matuto, at mahubog pa ang aming skill para sa siyensya, agham at teknolohiya na alam naming sa pagdating ng araw ito po ay kasama niyo kami sa pagpapa-unlad ng ating probinsya.” pahayag ni Bb. Carandang.
Samantala, sa mensahe ni Gob. Suarez, ipinahatid niya ang kahalagahan at pagbibigay-importansya ng pamahalaang panlalawigan para sa patuloy na pagpapa-unlad ng nasabing paaralan. Maliban sa bagong laboratory building, kasalukuyan na ring isinasagawa dito ang bagong dormitory at fully covered court gymnasium na magsisilbing sports activity at extracurricular activity area ng mga mag-aaral dito.
Sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan, ang nasabing gusali ay mayroon nang initial funding na 5 milyong piso na mula sa ALONA Partylist sa pangunguna ni Congw. Anna Marie V. Suarez.
Ito man ang huling grupo ng mga magsisipagtapos na makakadaupang-palad niya bilang ama ng Lalawigan ng Quezon, ipinahatid naman ni Gob. Suarez na mananatili pa rin siyang ama ng mga mag-aaral ng Quezon Science High School.
Bilang mensahe ng inspirasyon, ipinaabot ng gobernador ang kanyang pangako na patuloy pa ring susuportahan ng pamahalaang panlalawigan ang mga kabataan ng QSHS sa pagkamit ng kanilang mga layunin bilang mga produktibong mamamayan ng lalawigan.
“Being in Quezon Science High School speaks a lot about your capabilities, about the intelligence and your potential to be great. So, sa akin please maximize the time that you’re here. Be the best student that you can be at kami naman sa pamahalaang panlalawigan ng Quezon, we will be the best public servant that we can be, to be your partner in making sure that your able to achieve your 100% pure potential.” pagtatapos ni Gob. Suarez. (Quezon – PIO)