Dumalo bilang panauhing tagapagsalita si House Minority Floor Leader Danilo Suarez sa katatapos pa lamang na pagdiriwang ng ika-384 t...
Dumalo bilang panauhing tagapagsalita si House Minority Floor Leader Danilo Suarez sa katatapos pa lamang na pagdiriwang ng ika-384 taong pagkakatatag ng bayan ng Polillo nitong ika-18 ng Marso.
Dahil sa hindi maitatanggi na kaunlaran sa pamumuhay ng mga mamamayan dito, kinilala ni Cong. Suarez ang mahusay na liderato ng kanilang punong-bayan na si Mayor Cristina Bosque.
“This is a classic town na napakagandang tulungan kasi dynamic ang namumuno. This is a vision of a good leader, buhay na buhay ang bayan, masigla lahat, kabataan, everybody is functioning like a perfect machine. We owe that to the good leadership of your good Mayor Tina Bosque.” pahayag ni Cong. Suarez.
Samantala, nagbigay-ulat rin ang mambabatas ukol sa patuloy pang pagpapa-unlad ng pamahalaang panlalawigan para sa kabutihan ng mga mamamayan sa probinsya. Kabilang na dito ang mga serbisyo sa Quezon Medical Center.
Sa pamamagitan ni Quezon Governor David C. Suarez, kasalukuyan nang ginagamit ang CT Scan machine sa nasabing ospital at kamakailan lamang ay isinagawa naman ang groundbreaking para sa bagong MRI at CT Scan building na matatagpuan rin sa QMC.
Maliban sa sektor ng kalusugan, pinagtutunan rin ng pansin ng pamahalaang panlalawigan ang proyektong pang-imprastraktura para sa malalayong bayan sa probinsya tulad ng Polillo.
Ilan sa mga proyektong ipinatutupad dito ay ang patuloy na pagsasagawa ng Polillo-Burdeos road na nagbibigay ng malaking tulong para sa mga residente upang mas mapabilis pa ang kanilang transportasyon at pag-angkat ng mga produktong pang-agrikultura. Sa kasalukuyan, nakakaranas na rin ng 24 oras na supply ng kuryente ang buong isla na isa sa mga isinulong na proyekto ng administrasyong Suarez.
Bilang panghuli, ipinangako ni Cong. Danilo Suarez sa mamamayan ng Polillo ang patuloy na pakikipagtulungan at pakikiisa niya sa pamahalaang panlalawigan para sa ikauunlad pa ng mga bayan sa Lalawigan ng Quezon.
“Let’s go forward. Quezon will grow, Quezon will be dynamic and Quezon will be the centerpiece of our country.” saad ng kongresista. (Quezon – PIO)