By Mary Ann Minor LUCENA CITY - Sa pagnanais na maipabatid sa mga mamamayan partikular na sa mga kabataan ang mga dapat na isagawa pagda...
LUCENA CITY - Sa pagnanais na maipabatid sa mga mamamayan partikular na sa mga kabataan ang mga dapat na isagawa pagdating ng mga hindi inaasahang sakuna tulad ng lindol, idinaos ang isang earthquake drill sa isang paaralan sa barangay Barra.
Katuwang ang sangguniang barangay sa pamumuno ni Kapitana Amy Sobreviñas at mga guro at kawani ng Barra Elementary School ay inasistahan ang mga mag-aaral ng nasabing eskwelahan upang isagawa ang sunod sunod na proseso sa pagsasagawa ng drill.
Sa kasagsagan ng lindol, mararamdaman ang unti-unting pagyanig sa simula at paggalaw ng mga halaman o mga nakasabit na kagamitan.
Inaabisuhan na kung ang isang indibidwal ay nasa loob ng isang establisyemento tulad ng paaralan ay manatiling mahinahon at kumubli o sumilong sa isang matibay na bagay tulad ng lamesa o upuan.
Pagkatapos ay marahan at kalmadong lumabas sa kinalalagyang lugar papunta sa isang lugar na malayo sa pagitan ng mga imprastrakturang maaaring gumuho.
Sa pamamagitan ng pagtuturo ng duck, cover and walk sa mga mag-aaral, maaaring makaambag na rin sila sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad, sa paraan ng pagiging ligtas at posibleng makapagsalba rin ng kapwa mamamayan.
Ang mga aktibidad at pagtuturong ito ay magagamit ng mga kabataan bilang bahagi ng kahandaan at preparasyon para sa lindol at iba pang sakuna.
Paalala naman ng mga awtoridad sa mga barangay at paaralan, gawing regular ang pagkakaroon ng earthquake-preparedness drill gayundin ng fire drill upang lalong maging handa ang mamamayan. (PIO-Lucena/M.A.Minor)