Kasama si Mayor Ramon Preza at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan, pinangunahan ni Quezon Governor David C. Suarez ang isinagaw...
Kasama si Mayor Ramon Preza at iba pang mga kawani ng lokal na pamahalaan, pinangunahan ni Quezon Governor David C. Suarez ang isinagawang groundbreaking ng access road para sa itatayong convention center sa bayan ng Tiaong nitong ika-13 ng Marso.
Sa mensahe ni Mayor Preza, ipinaabot niya ang kanyang pasasalamat sa ama ng lalawigan para sa pagbibigay ng mga panibagong proyekto na makatutulong sa patuloy na pagpapa-unlad ng kanilang bayan tulad ng Tiaong Arena.
“Si Gob. Suarez ay napakarami nang ibinigay na biyaya sa atin. Ito pong isang malaking convention center na magiging pinaka-landmark ng bayan ng Tiaong. Ang convention center na yan ang magpapakilala ng kaunlaran ng bayan ng Tiaong.” pahayag ni Preza.
Samantala, ibinahagi naman ni Gob. Suarez na ang pagsasagawa ng naturang convention center ang magsisilbing isa sa daan hindi lamang sa kaunlaran ng kanilang bayan ngunit pati na rin sa pagbibigay ng karagdagang hanapbuhay sa mga naninirahan dito.
Ani Gob. Suarez, ang mga proyektong pang-imprastraktura tulad nito ay mahalaga ring maramdaman ng mga mamamayan. Dahil dito, isinusulong rin nila ni unang ginang at ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez ang pagpapalakas ng mga livelihood training seminars para sa mga manggagawa sa lalawigan.
Maliban sa mga proyektong pang-imprastraktura, layunin rin ng ama ng lalawigan ang patibayin pa ang sektor ng kalusugan sa probinsya. Kaugnay dito, nakatakda ring magpatayo ang pamahalaang panlalawigan ng district hospital para sa bayan ng Tiaong.
“Sa isang bayan na lumalaki at umuunlad, hindi lang natin kailangang tugunan yung problema sa kawalan ng trabaho at oportunidad. Kailangan din natin tugunan ang problema natin pagdating sa kalusugan. Kaya minarapat po ng inyog abang lingkod para sa bayan ng Dolores, San Antonio at Tiaong, magpapagawa po tayo dito ng Tiaong Disrict Hospital.” saad ni Gob. Suarez. (Quezon – PIO)