Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez Muling pinatunayan ng mga kababaihan sa L...
Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez |
Muling pinatunayan ng mga kababaihan sa Lalawigan ng Quezon ang matibay na pagkakaisa ng kanilang samahan sa pamamagitan ng katatapos na pagdiriwang ng Women’s Month nitong ika-28 ng Marso na ginanap sa Quezon Convention Center, Lungsod ng Lucena.
Sa pamamagitan ng pangulo ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) at ALONA Partylist Representative Anna Marie V. Suarez at sa suporta ni Quezon Governor David C. Suarez, unti-unting pinatibay ng pamahalaang panlalawigan ang suporta nito sa mga kababaihan sa lalawigan sa tulong ng mga proyekto at programa na nakalaan para sa kanila.
Kabilang dito ay ang Quezon’s First 1,000 Days of Life o Q1K Program na nagbibigay prayoridad sa mga ina at sanggol na naglalayong magbigay-suporta sa ina simula unang araw ng pagbubuntis hanggang ikalawang taong gulang ng bata.
Matatandaang Nobyembre noong nakaraang taon ay opisyal nang pinirmahan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte ang RA11148 o ang First 1,000 Days Law. Naging bahagi ng pagsasabatas nito ay ang karanasan at magagandang resulta na nagmula sa Q1K Program kung saan ang Lalawigan ng Quezon ang kauna-unahang nagpatupad sa buong bansa.
Mula sa pangangalaga simula sinapupunan ng ina, sinisiguro ng pamahalaang panlalawigan sa pakikipagtulungan ng ALONA Partylist, ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng suporta at gabay sa mga Quezonian.
Sa loob ng 9 na taon na panunungkulan, ilan sa mga proyekto at programa na ipinatutupad sa lalawigan ay ang early child development program at day care service program. Patuloy rin ang pamamahagi ng mga kagamitang pang-edukasyon at mga complimentary at supplementary food para sa mga undernourished na kabataan.
Bilang suporta sa mga programa ng pamahalaang panlalawigan, ilan sa mga programa ng ALONA Partylist ay ang livelihood program, libreng pagsasanay sa TESDA, scholarship program at libreng medical, dental at optical mission.
Ayon sa kongresista, sa lahat ng mga naging titulo na itinawag sa kanya, ang pagiging ina ang pinakamahalaga. Pinasalamatan niya ang mga kababaihan na nagbigay ng suporta sa kanya bilang ina ng lalawigan.
“For me the best title and role I have is that of being a mother. A mother’s role never ends. One never stops being a mother. Kahit na tapos na ang aking tungkulin bilang ina ng ating lalawigan, I will still be here in the sidelines, guiding all of you and rooting for all of you. Isang malaking karangalan sa akin na kayo ay aking mapaglingkuran ng 9 na taon. I hope I made all of you proud. Mga kababaihan ng Quezon, sa huling pagkakataon, maraming maraming salamat po.” ayon kay Congw. Anna Suarez.
Samantala, kinilala naman ni Gob. David C. Suarez ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa pagbuo ng isang maayos at tahimik na lalawigan.
Gayundin, pinapurihan niya ang mahusay na liderato na ipinamalas ni Congw. Anna Suarez bilang pangulo ng KALIPI at kung paano niya naiangat ang antas ng pamumuhay ng bawat kababihan sa lalawigan.
“For the past 9 years, Anna and I dedicated ourselves, our God-given talents para paglingkuran ang Lalawigan ng Quezon. Sana itong pagtatanim ninyo ng alaala ninyo ay magsilbing inspirasyon ninyo sa pagpapalakas ng mga kababaihan sa lalawigan. Dahil tunay na kinakailangan ang lakas, galing at husay ng kababaihan para maiangat pa natin ang lalawigan tungo sa kaunlaran.” saad ni Gob. Suarez. (Quezon – PIO)